Ang Tradisyonal na Kasalang Pinoy
Paano Isinasagawa ang Tradisyonal na Kasal?
Ang tradisyunal na kasalang Pilipno ay nagsisimula sa pamamanhikan, kung saan maghaharap sa isang piging o munting salu-salo ang pamilya ng lalaki at babaeng nagnanais na makasal. Sa pagkakataong iyon pinag-uusapan at pinagkakasunduan ang mga detalye ng magaganap na kasalan. Mahusay na pinagpaplanuhan ng magkabilang panig kung kailan at saan gaganapin ang kasalan at ang mga hangganan ng mga gastusin ng bawat pamilya.
Sa panahon din ng pamamanhikan ang pagbibigay ng lalaki ng dote o bigay kaya para sa pamilya ng babae. Ang dote ay maaring lupa, kalabaw, kabayo, mahahalagang bagay o di kaya` naman ay salapi.
Matapos ang pamamanhikan, maiiwan ang lalaki sa bahay ng babae upang magsilbi. Tinatawag itong panghihinuyo.
Gagawin ng lalaki ang mga gawaing maaring makatulong sa pamilya ng ginigiliw. Magsisibak ng kahoy, sasalok ng tubig, tutulong sa mga gawain sa bukid, mangingisda o di kaya naman ay mangangaso. Bagaman nasa tahanan ng babae ang lalaki, hindi sila maaring matulog ng magkasiping. Mananatili duon ang lalaki hanggang sa huling isang linggo bago ang kasalan.
Bispiras Ng Kasalan
Ang bispiras ng kasalan ay ang huling araw at gabi bago ang kaganapan. Ito ang pinaka-abalang araw sapagakat sa araw na iyon inihahanda ang mga pagkain at kagamitan para sa kasal. Nagtutulungan ang dalawang panig sa lahat ng mga gawain.
Masaya rin ang araw na ito sapagkat habang ginagawa ang mga paghahanda ay nagiinuman, nagsasayawan, at nagkakaroon ng mga katuwaan ang pamilya ng lalaki at babae kasama ng mga nagsisitulong sa pagahahanda.
Ang Araw ng Kasal
Anu-anong Seremonya ang Ginagawa sa Araw ng Kasal?
Ang mismong araw ng kasal ay puno ng imosyon. Madarama ng bawat-isa ang pinaghalong lungkot at saya, sapagka`t hindi maiiwasan ng mga magulang na isipin ang nalalapit na pagkawalay ng mga anak upang harapin ang masalimuot at walang kasiguruhang buhay may asawa. Masaya din sila sapagkat nangangahulugan iyon na napalaki nila ng maayos at mabuti ang kanilang mga anak at ngayon nga ay may kakayahan na silang magtayo ng sariling pamilya.
Nahahati sa limang parte ang kasalan. Ito ay ang:
1. Paghahatid sa altar
2. Pagtanggap
3. Pagsusumpaan
4. Pagsalubong
5. Pagbubunyi
Ang Paghahatid sa Altar
Inihahatid ang babae ng kanyang ama patungo sa harap ng altar kung saan naghihintay ang lalaki. Ito ay isisinasagawa sa saliw ng tradisyunal na himig pangkasal. Nagmamartsa ang ama ta babae kasunod ng mga abay o mga pares ng binata at dalaga.
Pagdating ng babae sa harap ng altar ay magalang na kukuhanin ng lalaki ang kamay ng babae mula sa kamay ng ama nito. Ito ng tagpo ng pagtanggap. Isa ito sa pinaka madamdaminng tagpo sa kasalan. Ipinapangako ng lalaki sa ama ng babae na igagalang, mamahalin at aalagaan nito ang kanyang anak.
Pagsusumpaan (Exchange of Vows)
Matapos ang pagtanggap ay luluhod ng babae at lalaki sa harap ng altar, kasama ng mga saksi, kung saan naroroon ang pari na siyang magsasagawa ng seremonya ng kasal. Nagkakaroon ng panalangin at pagbabasbas at pagkatapos ay ipinapahayag ng magkasintahan na tinatanggap nila ang isat-isa bilang asawa. Matapos ang sumpaan ay isinusuot ng nila ang singsing na sumisimbulo na sila ay ganap nang mag-asawa. Iniuutos ng pari na maaari nang hagkan ng lalaki ang kanyang asawa. Ito ang simbolo na nagmamarka ng pagtatapos ng seremonya.
Pagsalubong
Matapos ang seremonya masayang sinasalubong ng mga kaanak, kaibigan at mga nagsidalo ang bagong mag-asawa. Hinahagisan sila ng barya, bigas at mga talutot ng bulaklak. Inihahagis ng babae ang pumpon ng bulaklak na pinag-aagawan ng mga kadalagahan. Pinaniniwalaang ang makasasambot nito ay ang susunod na ikakasal. Samantala ihahagis naman na lalaki ang gater sasaluhin ng mga lalaki isusuot ito ng mapalad na lalaking makasasalo sa babaeng nakasalo ng pumpon ng bulaklak
Pagbubunyi
Pagadating sa tahanan masayang ipinagbubunyi ang bagong kasal. Tumatanggap sila ng samut-saring regalo. Isa sa pinaka-aabangan ay ang pagsasayaw ng lalaki at babae kung saan sinasabitan sila ng pera habang sumasayaw.. naglilibot din sila tangan ang bote ng alak. Pinaiinon nila ng alak ang mga panauhin na nagaabot naman ng pera sa abot ng kanilang makakaya. Matapos aang pagbubnyi ay iiwan na ng bagong kasal ang nagkakasiyahang mga panauhin upang magtuloy sa kanilang Pulot Gata o ang kanilang unang gabi biilang mag-asawa.
-Lawrence Avillano, LPT
Suggested Citation:
Avillano, L. (2013). Tradisyunal na Kasalang Pilipino
Kulturang Pinoy. https://kulturang-noypi.blogspot.com/2013/10/ang-tradisyunal-na-kasalang-pilipino_9302.html
-Lawrence Avillano, LPT
Suggested Citation:
Avillano, L. (2013). Tradisyunal na Kasalang Pilipino
Kulturang Pinoy. https://kulturang-noypi.blogspot.com/2013/10/ang-tradisyunal-na-kasalang-pilipino_9302.html