Isang paglalarawan sa barkong panglayag |
Ang Pilipinas ay nasakop ng Espanya sa loob ng 333 taon mula 1565 hanggang 1898. Sa panahong ito, maraming naganap na lagim at biyaya na humubog sa Pilipinas bilang isang bansa.
Ang Pagkatuklas ng mga Kastila sa Pilipinas at Iba pang Ekspedisyon
1521 - Si Magellan sa Visayas (Samar/Cebu)
Bagaman ang lahat ay nagsimula sa aksidenteng pagkapadpad ni Magellan noong ika-16 ng Marso 1521 sa Isla ng Humonhon sa Samar, kung saan buong lugod siyang tinanggap ni Raja Kulambu at Raja Siagu na nagpakilala sa kanya kay Raja Humabon ng Cebu, hindi ito ang simula ng pagsakop ng Espanya sa Pilipinas bilang isang kolonya sa Asya.
Mga kaganapan:
- Pinangalanan ang Humonhon bilang Isla De San Lorenzo
- Nabinyagan bilang Kristiyano si Raja Humabon at iba pang mga Cebuano
- Nagpatayo si Magellan ng isang Krus sa Cebu bilang pananda ng paglaganap ng Kristiyanismo sa lugar
- Nakipaglaban si Magellan at napatay sa "Labanan sa Pulo ng Mactan" na pinamumunuan ni Lapu-lapu noong ika-27 ng Abril 1521
- Nagkaroon ng alitan si Raja Humabon at mga Kastila ukol sa mga kababaihan
1526 - Si Hans Von Aachen sa Mindanao
Pinasimulan sa Espanya ang paglalayag ni Garcia Jofre De Loaisa noong noong July 1525 sa atas ni Haring Charles - I. Ang paglalayag ay naglalayong hanapin ang Maluku, isang pulo ng mga kilalang pampalasa na natuklasan ni Magellan, at maligtas ang mga natitira pang Kastila, kung meron man, na nakaligtas sa naunang ekspedisyon. Hindi pinalad na makarating sa Pilipinas si De Loaisa sapagkat siya ay namatay sa isang karamdaman sa karagatan. Bagaman, nagawang makarating ng kanyang mga tauhan sa Mindanao noong 1526 sa pamumuno ng isang Yñigez na namatay naman sa panlalason sa Mindanao.
Mga kaganapan:
- Nakipagkalakalan ang mga Kastila sa mga taga-Mindanao
- Mula sa Mindanao, muling nalibot ni Hans Von Aachen ang daigdig sa ikalwang pagkakataon.
Si Hans Von Aachen ay isa sa mga nakaligtas mula sa ekspedisyon ni Magellan at muling nagsilbi sa ekspedisyong Loaisa-Elcano kung kaya`t dalawang ulit niyang nalibot ang daigdig sa pamamagitan ng paglalayag.
1528 - Si De Saavedra Sa Surigao
Inilunsad sa Zihuatanejo nuong 1527 ang isang paglalayag sa pamumuno ni Alvaro De Saavedra Ceron. Ang paglalayag ay naglalayon na tumuklas ng rutang Mexico-Maluku sa karagatang Pasipiko. Narating ni Saavedra ang Look ng Lanuza sa Surigao nuong ika-2 Pebrero 1528. Iniulat nila ang pagiging mayaman sa ginto ng Mindanao.
Mga kaganapan:
- Naitala ng mga Kastila ang pamumuhay at kultura sa Mindanao at ang detalyadong paglalarawan ng mga tao doon.
- Nakilala ng mga Kastila si Raja Sikatuna bilang isang pinuno sa Mindanao
1543 - Si Villalobos sa Saranggani
Ang paglalayag ay inilunsad sa Mexico nuong 1542 na pinamumunuan ni Ruy Lopez De Villalobos. Nakarating sila sa Saranggani noong 1543.
Mga kaganapan:
- Nakapagtanim ng mais sa Pilipinas sa unang pagkakataon.
- Dahil sa kakulangan sa pagkain, kinain ng mga kastila maging ang mga pusa aso at daga.
- Pinangalanan ni Villalobos ang Leyte bilang Las Islas Filipinas bilang pagpupugay kay Philip ng Austria na naging Philip II ng Espanya kalaunan
Pormal Kolonyalisasyon ng Espanya sa Pilipinas
1565 - Si Legazpi sa Cebu
Noong 1544 sa atas ni Haring Philip II, kinomisyon ni Viceroy Luis De Velasco si Miguel Lopez de Legazpi upang pamunuan ang paglalayag upang hanapin ang isla ng pampalasa na nauna nang natuklasan ni Magellan at Villalobos. Narating nila ang Cebu noong 1565.
Mga kaganapan:
Mga kaganapan:
- Ika-13 ng Pebrero 1565 - nakarating sa Cebu ngunit di dumaong
- Ika-22 ng Pebrero 1565 - Nakarating sa Samar at nakipagsanduguan kay Datu Uraw (Urrao)
- Nakarating sa Limasawa at tinanggap ni Datu Bankaw
- Ika-16 ng Marso 1565 - Nakikipagsanduguan kay Raja Sikatuna ng Bohol
- Ika-27 ng Marso 1565 - Bumalik sa Cebu at tuluyang dumaong kung saan nakalaban nila ang mga lokal na pinamumunuan ni Raja Tupas na kanila namang nagapi
- Pinangalanan ang Cebu bilang Ciudad del Santisimo Nombre de Jesus na permanenteng pamayanang kastila na naitatag sa Pilipinas. Ito ang simula ng kolonyalisasyon sa Pilipinas
- Hinirang si Miguel Lopez de Legazpi bilang unang Gobernador Heneral sa Pilipinas.
- 1569 - Lumipat si Legazpi sa Panay dahil sa kakulangan ng pagkain sa Cebu
- Pinadala ni Legazpi si Juan de Salcedo sa Mindoro upang kalabanin ang mga piratang nananalakay sa Panay
- 1571 - Nagkaroon ng pakikipagkasunduang pang-kapayaan sa pagitan ni Legazpi, Lakandula at Raja Sulayman
- Ika-24 ng Hunyo 1571 - Nagtatag si Legazpi ng unang pamayanan sa Maynila at ipinagutos ang pagtatayo ng Intramuros. Idineklara niya ang Maynila bilang Capital ng Pilipinas o ang kabisera ng kolonya.
Ang Pilipinas ay pinangasiwaan ng Espanya mula Mexico at gumanap bilang daungan, angkatan at luwasan ng mga kalakal ng mga Kastila. Ang Pilipinas ang tanging kolonya ng Espanya sa Asya.
Iba pang mga kaganapan sa panahong ng pagkasakop sa Pilipinas bilang Kolonya.
Nabihag ng Britanya ang Maynila
Sa panahong ito nagkaroon ng paghihimagsik ang nga Tsinong mangangalakal sa Maynila bilang pagsuporta sa pananakop ng Britanya sa Maynila.Nagkarron din ng iba pang himagsik gaya ng pagaalsa sa Ilocos na pinamunuan ni Diego Silang na nagtatag ng isang malayang pamahalaan na nakikipag-ugnayan sa mga Briton.
Reporma sa Panahon ng Kolonyalismo
Matapos ang digmaan sa pagitan ng mga Britanya at Espanya Si Jose Basco y Vargas na siyang Gobernador Heneral mula 1778 at nagpatupad ng mga reporma upang mapainam ang pamumuhay at mapaunlad ang kolonya.
Noong 1821, matapos makamit ng Mexico ang kalayaan nito, tuwiran nang pinamahalaan ng Espanya ang Pilipinas mula sa Madrid sa loob ng 200 taon.
Ang Pagdating ng mga Amerikano at Pagwawakas ng Pananakop ng Espanya sa Pilipinas
- Ika-25 ng Abril 1898 - Sa bisa ng ipinahayag na digmaan ng Amerika laban sa Espanya, natalo ng hukbong dagat ng Amerika ang mga kastila sa labanan sa look ng Maynila.
- Nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ni Emilio Aguinaldo at mga opisyales ng Amerika sa Hongkong at Singapore at nahikayat siyang magbalik sa Pilipinas.
- Ika - 19 ng Mayo 1897 - Bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas upang pamunuan ang mga Pilipino na naghihimagsik
- Nagkaroon ng kontrol ang Amerika sa Pilipinas sa bisa ng Kasunduan sa Paris (Treaty of Paris) na napirmahan noong ika-10 ng Disyembre 1898.
Lawrence Avillano, LPT 23/05/2020
Maraming salamat po. 😊 malaking tulong po, napaka ganda at maayos nang pagkakasulat. 🥰 Meron po ba sila kasunod nito? Pagkatapos ng pagdating ng americano? Sana po meron po buod ng kasaysayan ng pilipinas. 😊 may gagawin po kasi kaming scrap book . Mas easy po sainyo. 😇Thankyou po ulit.
ReplyDelete