Ang ating mga guro ay maituturing din na alagad ng sining. Sila rin ay mga iskultor, pintor at kompositor. Sa papaanong paraan? Nasaan ang kanilang mga likhang sining? Talakayin natin.
Sila ( ang ating mga teacher) ay maituturing na alagad ng sining sapagkat, katulad ng mga iskultor hinuhubog nilang mainam ang ating pagkatao sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga kabutihang asal. Kininis nila at binigyang hugis ang ating pagkatao kung kaya naman tayo ay hindi nanatiling katulad ng mga batong katitisuran sa daan.
Ibinabahagi nila sa atin ang kanilang mga karunungan na para bang mga pintor na gumuguhit ng makukulay at makabuluhang miyural sa mga pader na wala pang nakikilalang kulay. At dahil sa mga kaalamang kanilang inihain ng buong puso at hindi ipinagkait, humaharap tayong buong husay sa mga hamon ng buhay.
Katulad din ng mga kompositor na humahabi ng magagandang tugtugin at awitin, ihinahalayhay nila ang mga nota sa ating isipan upang ito ay magluwal ng mga kaisipan na nanaising pakinggan ng lahat. Kaya naman ang ating mga pananalita ay may mahusay na paglirip. Alam natin ang wastong salitang bibigkasin ayon sa hinihingi ng panahon kung kaya`t hindi masasabi ng mga nakikinig na tayo ay balahura at balibi mag-isip.
Ang mga kinikilalang tao sa lipunan ang kanilang mga bantog na likha. Ang kanilang mga likhang sining na tinitingalang tulad ng mga bantayog, hinahangaan na gaya ng mga miyural, at pinakikinggan na para bang isang napapanahong awitin.
Kaya naman marapat lang na sila`y ating igalang kahanay ng lumikha at ng ating mga magulang. Magpugay tayo sa kanila sa bawat panahon at mag-ukol ng paghanga bilang tugon sa kanilang mga sakripisyo alang-alang sa atin.
Sinulat ni: Lawrence Avillano para sa Buwan ng Mga Guro taong 2014.
Malaya ang sinuman na ito`y gamitin.
magaling sana ang pagkasulat pero may malalim na tagalog na hindi ko maintindinhan. ano ho ba ang kahulugan ng ihinahalayhay at balibi?
ReplyDelete