Tuesday, August 26, 2014

Filipino: Wika ng Pagkakaisa

   Tunay nga kayang wika ng pagkakaisa ang wikang Filipino? Paano nito pinagbubuklod ang lahing Pilipino mula sa loob ng tahanan hanggang sa pamayanan?

   Simulan nating tingnan kung paano pinag-iisa ng wikang Filipino ang pamilya bilang pangunahing yunit ng pamayanan.

    Tunay na mahalaga ang pagkakaisa para sa pamilyang Pilipino na kilala sa pagiging malapit sa isat-isa. Ngunit hindi ito makakamit kung hindi nagkakaunawaan ang bawat miyembro ng pamilya. Dahil dito, kailangan ang isang wikang gagamitin sa araw-araw na pakikipagtalastasan sa loob ng tahanan upang sila ay lubos na magkaunawaan.

   Kung iisa ang wikang ginagamit sa tahanan, magiging madali para sa mga magulang ang mag-utos at magbigay ng tagubilin at madali rin para sa mga anak ang sundin ito sapagkat sila ay lubos na nagkakaunawaan. At kung sila ay nagkakaunawaan matatawag silang buo at isang pamilya na sama-samang humaharap sa mga hamon ng buhay.

   Sa pamamagitan ng wika, naipapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kulturang minana pa nila mula sa kanilang mga ninuno. Gamit ang wika inihahanda ng mga magulang ang kanilang mga supling sa pakikisalamuha sa pamayanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mabubuting asal at kaaya-ayang gawi.

   Alam natin na hinndi lang sa tahanan natututunan ang mga mabubuting asal. Natututunan din ito sa paaralan at sa simbahan.

   Ang simbahan bilang banal na institusyon ay nagtuturo ng kabutihang asal, pagpapahalaga at kabanalan sa bawat kasapi nito. Gamit ang wikang Filipino itinuturo sa atin ng simbahan ang pagpapahalaga sa sarili at sa kapuwa bilang indibidwal na pantay-pantay sa paningin ng Diyos maging ano pa man ang katayuan natin sa lipunan. Gamit ang wikang Filipino na siyang nauunawaan ng lahat, ginagabayan nila tayo tungo sa pagkakaisa sa bawat panahon.

   Sa labas naman ng simbahan at tahanan ay ang pamayanan na binubuo ng iba`t ibang sektor na ang pangunahing layunin ay ang kaunlaran ng mga mamayan at ng bansa.

   Upang makamit ito, kailangan ng isang wikang nauunawaan ng publiko at iyon ay ang wikang Filipino. Ginagamit ang wikang Filipino sa mga midya tulad ng radyo, tele-bisyon, pahayagan, at internet. Gamit naman ang midya, hinihikayat ang lahat na makiisa sa mga programang pang kaunlaran at makialam sa mga usapin ng pamahalaan.

Minsan nang ginamit ang wikang pambansa upang udyukan ang mga mamamayang Pilipino na magkaisa sa pagpigil sa lumalalim na pag-abuso ng isang pangulo sa kanyang kapangyarihan.

   Sa makatuwid, malaki ang ginagampanan ng wikang Filipino upang makamit ang pagkakaisa sa loob ng tahanan, sa simbahan, at pamayanan. Ginagamit ito upang magkaunawaan ang bawat isa at kung lubos na nagkakaunawaan ang lahat, hindi imposible ang pagkakaisa tungo sa pagsulong sa iba`t ibang aspeto ng buhay.

  - Lawrence Avillano (buwan ng wika 2014 - Filipino: Wika ng Pagkakaisa)



No comments:

Post a Comment