Showing posts with label Pilipino. Show all posts
Showing posts with label Pilipino. Show all posts

Monday, April 15, 2019

Kasaysayan ng Lahing Plipino

Lahat ng lahi ay may simula. Sa artikulong ito, tutuntunin natin ng simula ng lahing Pilipino. Saan nga ba nagmula ang lahing Pilipino? Anu-ano ang patunay na may mga tao nang naninirahan sa Pilipinas nuon pang sinaunang panahon? Paano yumabong ang lahing Pilipino mula nuong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan?

Mga Patunay Arkeolohikal sa Pagiral ng Sinaunang Tao

Arkeologo
Isang Arkeologong nagsusuri ng nahukay na bahagi ng labi ng tao


HOMO LUZONENSIS


Marami nang patunay na may mga tao nang namumuhay sa bansang Pilipinas mahigit 50,000 taon na ang lumipas. Isa sa bagong patunay ay ang natagpuang bagong human specie, ang Homo Luzonensis, sa Cagayan. Ang bagong human specie na natagpuan sa Pilipinas ay tinatayang namuhay sa sinaunang Pilipinas 50,000 taon hanggang 67,000 taon na ang lumipas.


TAONG TABON


Nuong 1962, natagpuan ng mga Arkeologo ang  bungo ng isa sa pinakanaunang tao na nanirahan sa Pilipinas. Ang species ay tinawag na Taong Tabon sapagkat ang bungo ay natagpuan sa kweba ng Tabon sa Lipuun Point, Quezon Palawan. Ang taong Tabon ay tinatayang namuhay sa Pilipinas 22,000 hanggang 24,000 taon na ang nakararaan. Ang masnakagigimbal pa ay kasamang natagpuan sa kweba ang mga kagamitan na tinatayang may edad 45,000 hanggang 50,000 taon.


Ang Teorya ng Pandarayuhan sa Pilipinas.


Isa sa nangungunang teorya ng pandarayuhan sa Pilipinas ay ang Waves of Migraton Theory. Ayon sa teoryang ito, may mga unang lahi ng tao na nanirahan sa Pilipinas. Kabilang na sa mga naunang lahi ang Ita o Negrito, Indones at Malay.

Ang Teorya ng Tulay na Lupa.


Sa teoryang ito, sinasabing nakarating ang mga Ita sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglalakad sa tulay na lupa nuong panahong mababa pa ang dagat at nagyeyelo pa ang mundo, tinatayang 12,000 hanggang 15,000 taon na ang nakararaan.


Ang Balangay

Balangay
Halimbawa ng Balangay


Malaki ang ginampanan ng Balangay sa migrasyon ng sinaunang tao sa Pililipinas. Ang balangay ay isang malaking bangka na pinaniniwalaang sinakyan ng mga Indones na siyang sinasabing pangalwang pangkat ng mga tao na dumating sa Pilipinas. Sila ay sinundan ng mga Malay, ang pangatlong pangkat, na sakay din ng mga Balangay.


Ang mga lahing ito ay pinaniniwalaang siyang ninuno ng mga lahing Bikolano, Ilokano, Bisaya at Tagalog.

Iba Pang Lahi sa Paglipas ng Panahon.


Bago pa dumating ang mga Kastila ay nakikipagkalakalan na ang mga Pilipino sa iba pang lahi gaya ng Bumbay, Arabe, Intsik at Hindu. Dumarating din naman sa bansa ang mga misyonero mula sa iba pang mga bansa. Ang mga mangangalakat at misyonerong ito ay nakapagaasawa ng mga Pilipino.


Mga Lahi Mula sa Mananakop.


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Pilipinas ay nasakop ng mga dayuhan sa maiksi o mahabang panahon man. Ang bawat mananakop gaya ng mga Kastila, Portuges, Amerikano at Hapon ay may naiambag din sa pagkakaiba-iba ng lahing bumubuo sa mga Pilipino. Ang iba ay nakapag-asawa ng mananakop samantalang ang iba, sa kasamaang palad, ay bunga ng pagsasamantala.


Ang lahing Pilipino sa Kasalukuyan.


Sa kasalukuyan, ang mga Pilipino ay may dugo na ng ibat-ibang lahi mula sa iba`t-ibang panig ng daigdig. Ito ay bunsod ng pandarayuhan ng mga Pilipino upang maghanapbuhay sa ibang bansa at ng pagdating ng ibang lahi bilang turista o di kaya ay upang manirahan sa Pilipinas.

- Lawrence Avillano (2019)



Suggested Citation:

Avillano, L., (2019) - Kasaysayan ng Lahing Plipino
https://kulturang-noypi.blogspot.com/2019/04/kasaysayan-ng-lahing-plipino.html 


Friday, January 12, 2018

Pangalan ng mga Sinaunang Diyos at Diyosa ng mga Paganong Pilipino

Mga Diyos at Diyosa


Maikling Pagtalakay sa Panahon ng Paganismo


Bago pa dumating sa Pilipinas ang mga mananakop na Kastila at palaganapin ang Relihiyong Kristiyanismo, may pamamaraan na ng pagsamba ang mga Pilipino. Maraming sinasambang Diyos at Diyosa ang mga Pilipino nuong panahon ng Paganismo.

Ang  bawat kilos o gawi ng mga Pilipino, mga kaganapan sa paligid, likas man o gawa ng tao, ay ginagawa ng ating mga ninuno ang pagtawag sa sinaunang Diyos at Diyosa upang humingi ng patnubay, pananda, at tulong. Ito ay isang malaking bahagi ng sinaunang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga banyaga at ipakilala ang iba pang mga relihiyon.

Sa sulating ito, ibabahagi ang pangalan ng mga Diyos at Diyosa ng mga Pilipino nuong panahon ng Paganismo. Bagaman ang mga pangalan ay espisipiko para sa isang tribo o lugar sa bansa, ito ay pinagbuklod na lamang sa isang listahan. Kaya asahan na maaring magkaroon ng dalwang Diyos/Diyosa ng pagaani, digmaan o iba pa. 

Narito ang mga pangalan ng mga Diyos at Diyosa ng mga Paganong Pilipino

  1. Agawe  - Diyos ng tubig
  2. Agni – Diyos ng apoy
  3. Anitun-Tabu – Diyos ng hangin at ulan
  4. Aman Diyari – Diyos na patron ng mga tamad/katamaran
  5. Aman Ikabli – Diyos o patron ng mga mangangaso
  6. Aman Sinaya – Diyos o patron ng mga mangingisda
  7. Apolaki – Diyos ng Araw
  8. Bathala – PINAKA MAKAPANGYARIHANG DIYOS
  9. Bagobo – Diyos ng digmaan
  10. Bayowa – Diyos ng kasunduan, pagkakasundo o pagkakaisa
  11. Habagat – Diyos ng hangin
  12. Haik – Diyos ng karagatan
  13. Haliya – Diyos ng buwan at tagapangalaga ng mga kababaihan
  14. Hayo – Diyos ng dagat
  15. Idiyanale – Diyos ng pagsasaka
  16. Balangaw – Diyos ng balaghari
  17. Dal`lang – Diyosa ng kagandahan
  18. Damalog – Diyos tagapangalaga ng mga pananim o taniman
  19. Dayeha  o Dayea – Diyosa ng mga lihinm o paglilihim
  20. Diyan Masalanta – Diyosa ng pagibig
  21. Dumangan – Diyos ng Ani
  22. Halmista – Diyos ng mahika
  23. Kaptan – Diyos ng kalawakan
  24. Kidul – Diyos ng lindol
  25. Kilubansa – Diyos ng paghilom
  26. Kuntalapa – Diyos ng pagsisilang o panganganak
  27. Lakapati – Diyos at Diyosa (dalawang kasarian) ng pagkamaanakin (fertility)
  28. Lakan Bakod – Diyos na tagabantay
  29. Lalahon – Diyos ng pagaani
  30. Linga – Diyosa ng pagkamayabong o pagkamaanakin
  31. Lisbusawen –Diyos ng mga kaluluwa
  32. Magyawen –Diyos ng ibang daigdig, Diyosa ng karagatan sa mga Bisaya
  33. Mandarang – Diyos ng digmaan
  34. Mangatiya – Diyos  na maghahabi
  35. Mangaragatan – Diyos ng hangin
  36. Mankukutod –Diyos ng niyugan o magsasaka ng niyog
  37. Mapulon – Diyos ng Panahon
  38. Marandandangan – Diyos ng digmaan
  39. Mayari – Diyosa ng buwan
  40. Oghep – Diyos ng mga burol at kabundukan
  41. Pandaki – Diyos na tagapagligtas ng mga kaluluwa
  42. Pasipo – Diyos ng musika
  43. Pati –Diyos ng Ulan
  44. Sehana – Diyos ng pagibig
  45. Sidapa – Diyos ng kamatayan
  46. Sinukuan – Diyos  ng araw, ng digmaan at ng Bundok Arayat
  47. Sirenha – Diyosa ng mga isda
  48. Sitan –Diyos na tagabantay ng kalaliman ng daigdig
  49. Sodop – Diyos ng ginto
  50. Uwinan Sana – Diyos ng gubat o kakahuyan

Ilan lamang sila sa mga Diyos at Diyosa na sinasamba ng mga sinaunang Pilipino nuong panahon ng paganismo. Ang mga pangalan o ang pagbigkas ay nagkakaiba-iba batay sa Tribo o Lugar.

Hindi maitatangi na malaki ang naging bahagi ng mga sinaunang Diyos at Diyosa sa kuturang Pilipino mula nuon hanggang sa ngayo. Bagaman isa nang bansang Kristiyano ang Pilipinas, kinikilala pa rin ng ilan ang sinaunang Diyos at Diyosa sa ilang mga lugar at nagiging bahagi parin ng papuri at kapistahan. Madalas ding mabanggit maging sa mga makabagong panitikan ang kanilang mga pangalan.

Hindi nasisigurado ng may akda ang buong kawastuhan ng sulating ito. Kung mayroong mga pagkakamali, tinatanggap ang inyong pagtatama at pagpuna. Mangyari lamang na magiwan ng komento upang maiwasto ito o `di kaya ay gamitin ang Contact form sa sidebar ng blog upang makipag-ugnayan.

Sunday, September 10, 2017

Matuto ng Libre Mula sa TESDA Online Program

e-TESDA TESDA Online Program

Sa panahon ng internet, naging madali ang paraan ng pagkatuto. Nagagawa na ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority ng Pilipinas na isabay sa pagsulong na ito ang paghahatid ng libreng kaalaman sa nga Pilipino. Kahit nasaan kang panig ng Pilipinas o ng  mundo, basta kunektado ka sa internet ay maari kang makinabang sa kanilang libreng TESDA Online Program sa e-TESDA.

Ang TESDA Online Program o TOP ay isang bukas sa lahat na mapagkukunan ng kaalamang pang-edukasyon na naglalayong ipaabot sa nakararaming Pilipino ang libreng teknikal na edukasyon.

Paano Mag-Register sa TESDA Free Online Courses ?


 Pumunta lamang sa http://e-tesda.gov.ph/login/signup.php at sundin ang mga sumusunod na hakbang:

1. Pumili ng Username o pangalang nais gamitin sa pagpapatala
2. Pumili ng Passsword
3. Ilagay sa patlang ang isang aktibong e-mail adress
4. Ilagay ang pangalan at Apelyido (Note: Dapat Gumamit ng Tunay na Pangalan Dito)
5. Ilagay ang Adress
6. Tukuyin ang Rehiyon
7. Tukuyin ang pinakamataas na antas ng pagaaral na iyong natapos
8. Tukuyin ang kinabibilangang edad
9. Sagutin ang tanong pang-seguridad
10. Mag-login sa e-mail account na ginamit sa pagrerehistro
11. Hanapin ang mensahe mula sa e-Tesda
12. Kumpirmahin ang pagrerehistro sa pamamagitan ng pag-click sa link sa ipinadalang mensahe

Anu-anong Kurso ang Pwede Kong Pagaralan sa TESDA Online Program (e-TESDA)


TESDA Online Program Free Courses


Matapos makumpirma ang Account, maari ka nang mag-login gamit ang rehistradong username.

Pumili na ng kurso sa pamamagitan ng pag-click sa "Courses" sa navigation bar. Kabilang sa mga available na kurso ang mga sumusunod;

Mga Kursong Available Sa TESDA Free Online Courses


1. Agriculture - Fruit Grower
2. Automotive - Battery Servicing at Diesel Engine Tune Up
3. Electronics - Solar Light Assembly
4. Entrepreneurship - Managing Personal Finances at STAR Online Training Program
5. Health Care - Massage Therapy NCII (Swedish Massage, Shiatsu Massage, Thai Massage
6. Air Conditioning -Packaged Air Conditioner Unit Servicing
7. Information and Communication Technology - Animation, Basic Computer Operation, SMART Android Mobile Development for Beginners, SMART Technopreneurship, Web Development with HTML5 and CSS3
8. Microsoft Online Courses
9. Game Development
10. Udacity Google Courses
11. Udemy Courses
12. Lifelong Learning Skills - Job Interview Skills and Building Self-Confidence
13. Maritime - Ships` Catering NCII
14. Social, Community  Development
15. Tourism
16. Bread and Pastry Production NCII
17 Cookery NCII
18. Food and Beverage Services NCII
19. House Keeping NCII
20. Trainers` Methodology I and II

Ang bawat kurso ay binubuo ng mga Module. Maari ka nang magsimula matapos magrehistro sa napili mong kurso. Makikita ang iyong pagunlad sa napili mong kurso sa iyong dashboard sa kaliwang sidebar. Maari ka ring mag-enroll sa iba pang kurso ng magkasabay at maari mo rin i-unenroll ang mga kurso.

Mga Katanungan


1. May bayad ba ang pag-enroll sa e-TESDA?

Wala po itong bayad. Ito po ay libre sa pangkabuuan at para sa lahat

2. Magkakaroon na ba ako ng Sertipiko pagkatapos ng aking online-courses?

Hindi Po. Wala pong ibinibigay na Sertipiko ang e-TESDA sa mga makakatapos ng isang kurso sa website. Kung nais mo pong makakuha ng Sertipiko para sa natapos na online-course, maari ka pong magpunta sa pinaka-malapit na TESDA Assessment Center kung PALAGAY NA PO KAYO SA INYONG KAKAYAHANG KUMUHA NG PAGSUSULIT.

Note: May bayad po ang pagkuha ng assessment sa TESDA.

Para sa iba pang katanungan makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na TESDA Center sa inyong lugar o tumawag/mag-email sa Contact Details na Matatagpuan sa e-TESDA WEBSITE

Sa ngayon ang TESDA Online Program ay may mahigig isang milyong (1,000,000 +)  rehistradong estudyante na! Kaya magrehistro ka na rin at matuto ng libre sa e-TESDA!



Friday, September 16, 2016

Ang Alamat ng Langaw


Alamat ng langaw
Isang libong taon matapos ang malawakang pagbaha na gumunaw sa mga sinaunang sibilisasyon. Sumilang ang isang kaharian sa isang lambak sa pampang ng ilog Yuan sa bahagi ng mundo na kilala bilang Tsina ngayon. Ito ang kaharian ng Yum-Yum na pinamununuan ng biyudong si Haring Tsing-Tsang-Tsu.

Sa kasagsagan ng pamumuno ng hari naging napakaunlad ng buong pamayanan. Ano pa`t namuhay ang lahat nitong mamayan sa hindi matatawarang karangyaan. Masaya na sana ang hari, kundi lang dahil sa nagiisa niyang anak na si Lang Ao.

Mayabang itong si Lang Ao. Palagi niyang ipinagmamalaking siya ang nagiisang anak ng hari. Ang magiging tagapagmana ng kaharian. Maluho siya at laging laman ng mga kasiyahan. Hindi siya papayag na hindi siya iimbitahan sa kahit na pinakamaliit na salu-salo sa kanilang nasasakupan. At kung mangyari ito, ipadadala niya ang kanyang tauhan upang ipatigil ang kasiyahan.

Wala naman sanang masama kung maimbita si Lang Ao sa mga handaan. Ang problema nga lang ay ang ubod niyang kayabangan. Gusto niyang sa kanya nakatutok ang atensiyon ng lahat at siya ang aasikasuhin ng may paganap. Bukod pa sa taglay niyang kalikutan at katakawan. Mahirap siyang pagsabihan. Kung makinig man ay agad ring naguuli. Palagi ngang ganoon si Lang Ao. Hanggang sumapit ang isang araw sa kanyang buhay na hindi malilimutan ng buong Yum-Yum.

Unang araw iyon sa unang linggo ng tagsibol. Ang mga araw na mainam para sa kasal ayon sa kulturang Tsino. Kaya naman kabi-kabila ang kasalan. Sa makatuwid dagsa rin ang imbitasyon para kay Lang Ao. Imbitado siya ng lahat ng may pakasal sa tagsibol na iyon, maliban na lamang sa isa. Hindi siya pinasabihan ng pamilyang Ben Ben.

Maraming dahilan ang ama ng tahanan. Isa na dito ang pagiging payak ng gaganaping handaan para sa kasalan. Kaunti lamang ang magiging handa at hindi magtatagal ang kasiyahan sa dahilang kinakapos sila sa mga panahong yaon. Nagkasunod-sunod kasi ang kanyang pagkalugi sa Kalakalang Kipot Malay sapagkat umiinam na rin ang mga kalakal buhat sa ibang kaharian sa Indo-Tsina. At iyon nga ang dahilan kung bakit hindi na inanyayahan ng matanda ang anak ng hari. Bagay na lubos na ikinagalit nito.

Nang dumating ang araw ng handaan naging masaya rin ang lahat sa kabila ng pagiging payak nito. Ngunit sa kalagitnaan ng lahat dumating ang anak ng hari kasama ang mga bayaran nitong tauhan. Galit na galit itong nagtutungayaw.

"Hindi niyo ba alam na ako ang anak ng hari! Ang tagapagmana ng lahat niyang kayamanan! Saan kayo kumuha ng kalapastanganan upang hindi ako anyayahan sa piging na ito?! Saan?!" Halos lumuwa ang mata nito at nanlalaki ang butas ng ilong sa galit.

"Hala! Ibubo ninyong lahat ang handa sa lupa!" Utos nito sa mga bayarang tauhan sa pagkatigagal ng lahat ng naroon. Wala na silang nagawa upang lumaban at ipagtanggol ang sarili sa kahihiyang ginagagawa sa kani la ni Lang Ao.

Matapos maibubo sa lupa ang lahat ng pagkain at inumin sa piging na iyon, sumigaw si Lang Ao sa pinakamatalim niya tinig. "Lamunin ninyong lahat ang mga yan! Kamatayan ang kaparusahan sa hindi susunod!" mariin pa nitong utos.

Ngunit bago pa makasunod ang lahat ay dumating na parang kidlat sa gitna ng piging na yaon si Xiezhi at si Gao-Yao, ang mga Diyos ng katarungan at paglilitis.

Sa pagkakagulantang ng lahat ay sabay nilang pinakawalan ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa kanilang palad kasabay ng pagbigkas ng mga salitang "Dahil sa ang mga ginagawa mo ay isang malaking kalapastanganan sa mata ng mga Diyos at `sang katauhan na nagpapakita ng kawalang katarungan, ay isinusumpa ka naming maging isang nilalang na nagtataglay ng iyong mga masamang katangian upang ikaw ay hindi na panularan pa kailanman!"

Lumipas ang ilang sandali at nasaksihan ng mga naroroon ang pagbabagong anyo ng anak ng hari. Si Lang Ao ay naging isang nilalang na kasing laki lamang ng butil ng mais, maitim, may malaking mga mata at may mga pakpak na humuhuni na animoy bulong. Nagpalipad-lipad itong may taglay na kalikutan. Dumadapo sa mga natapong pagkain at pinagkukuskos ang mga kamay na animo ay gutom na gutom.

Sa pagkagulat ng mga naroroon ay natawag nila ang pangalang "Lang Ao! Diyos ko! Nagbago ang anyo no Lang Ao! Si Lang Ao yan!" kagaya na rin ng pagsambit nila sa tuwing nakikita nila ang insektong iyon ng mga sumunod pang araw.


Sa paglipas ng panahon ang Lang Ao ay naging Langaw dahil na rin sa pagsasalin-salin at pagpapalit wika.

Karapatang Ari (Intellectual Property Right)
Bawal Kopyahin ng Walang Pahintulot mula sa May Akda
Makipag Usap  I-Pm sa kanyang Facebook Account-
Lawrence Avillano

Tuesday, March 10, 2015

Bakit Mapait Ang Puso Ng Saging (Isang Alamat)

Nuong unang panahon, sa bayan ng Pinagbuhatan sa baryo Kawalan. May isang puno ng saging na tahimik na namumuhay na mag-isa sa piling ng matatayog na mga puno ng kawayan. Araw-araw sumisikat ang araw. Gabi-gabi siyang tinatanlawan ng mga bituin maliban lang kung may buwan o di kaya naman ay may sigwang nag-aabang.

Kahit nagiisa, masaya ang buhay ng saging. Kaibigan siya ng lahat. Madalas siyang inaawitan ng mga ibong Pipit, binubulungan ni Bubuyog, hinahagkan ni Paru-paro at kakwentuhan ng mga mayayabong na puno sa paligid.

Duon umiikot ang buhay ni saging, sa luntiang parang na madalas ay basa ng hamog sa umaga at may kaaya-ayang halimuyak ng sariwang damo at bulaklak kung gabi. Sa tabi ng ilog na dinadaluyan ng mababaw na tubig na madalas lumabo sa pagtatampisaw ng mga kalabaw na nagpapahinga sa tanghali. Duon nga umiikot ang buhay ni saging, yuon nga ang kanyang daigdig.
Hanggang mangyari ang isang bagay na ni sa hinagap ay `di niya naisip na magaganap.

Isang kakatwang bagay ang sumibol sa kaibuturan ni Saging. Bagay na sa paglipas ng panahon ay patuloy na lumalaki, umuusad paibabaw hanggang sa hindi na ito kaya pang itago ng saha o ng maninipis na dahon. Sumibol nga ang puso mula sa kaibuturan ni saging.

Nagpatuloy ang puso sa pagsibol hanggang sa ito ay magkabunga. Isa, dalawa, tatlo..... hanggang sa hindi na niya mabilang pa. Napakasaya ni saging at nagpapasalamat siya sa pagsibol ng puso. Hanggang isang araw nangyari ang hindi inaasahan.

Isang estranghero ang naligaw sa parang na iyon sa gilid ng mababaw na sapa. At sa kanyang pagmamasid ay nakaagaw ng kanyang pansin ang malusog na puso ng saging. Kumuha ito ng sanga, sinungkit ang puso hanggang sa ito ay mahulog sa lupa. At dinala ng estranghero ang pinakaiingatang puso ni Saging. Magmula nuon, naging malungkutin na si Saging.

Dala ng kanyang kalungkutan nabigkas niya ang isang sumpa.

"Magiging mapait ang pusong ninakaw mo sa akin upang hindi ito pakinabangang lubos ng sinoman! Tanging ang may pagtiyatiyaga lamang na maghugas ng sumpa ang makakatikim ng mainam na lasa nito!".

At ang kanyang sumpa ay narinig ni Idiyanale ang diyos ng pagsasaka at ni Lalahon ang diyosa ng ani at isinakatuparan ang sumpang kanyang sinabi. Magmula nga nuon, naging mapait ang puso ng saging. Kailangan pa itong halabusan sa asin bago iluto upang mawala ang pait.

Lawrence Avillano

Tuesday, August 26, 2014

Filipino: Wika ng Pagkakaisa

   Tunay nga kayang wika ng pagkakaisa ang wikang Filipino? Paano nito pinagbubuklod ang lahing Pilipino mula sa loob ng tahanan hanggang sa pamayanan?

   Simulan nating tingnan kung paano pinag-iisa ng wikang Filipino ang pamilya bilang pangunahing yunit ng pamayanan.

    Tunay na mahalaga ang pagkakaisa para sa pamilyang Pilipino na kilala sa pagiging malapit sa isat-isa. Ngunit hindi ito makakamit kung hindi nagkakaunawaan ang bawat miyembro ng pamilya. Dahil dito, kailangan ang isang wikang gagamitin sa araw-araw na pakikipagtalastasan sa loob ng tahanan upang sila ay lubos na magkaunawaan.

   Kung iisa ang wikang ginagamit sa tahanan, magiging madali para sa mga magulang ang mag-utos at magbigay ng tagubilin at madali rin para sa mga anak ang sundin ito sapagkat sila ay lubos na nagkakaunawaan. At kung sila ay nagkakaunawaan matatawag silang buo at isang pamilya na sama-samang humaharap sa mga hamon ng buhay.

   Sa pamamagitan ng wika, naipapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kulturang minana pa nila mula sa kanilang mga ninuno. Gamit ang wika inihahanda ng mga magulang ang kanilang mga supling sa pakikisalamuha sa pamayanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mabubuting asal at kaaya-ayang gawi.

   Alam natin na hinndi lang sa tahanan natututunan ang mga mabubuting asal. Natututunan din ito sa paaralan at sa simbahan.

   Ang simbahan bilang banal na institusyon ay nagtuturo ng kabutihang asal, pagpapahalaga at kabanalan sa bawat kasapi nito. Gamit ang wikang Filipino itinuturo sa atin ng simbahan ang pagpapahalaga sa sarili at sa kapuwa bilang indibidwal na pantay-pantay sa paningin ng Diyos maging ano pa man ang katayuan natin sa lipunan. Gamit ang wikang Filipino na siyang nauunawaan ng lahat, ginagabayan nila tayo tungo sa pagkakaisa sa bawat panahon.

   Sa labas naman ng simbahan at tahanan ay ang pamayanan na binubuo ng iba`t ibang sektor na ang pangunahing layunin ay ang kaunlaran ng mga mamayan at ng bansa.

   Upang makamit ito, kailangan ng isang wikang nauunawaan ng publiko at iyon ay ang wikang Filipino. Ginagamit ang wikang Filipino sa mga midya tulad ng radyo, tele-bisyon, pahayagan, at internet. Gamit naman ang midya, hinihikayat ang lahat na makiisa sa mga programang pang kaunlaran at makialam sa mga usapin ng pamahalaan.

Minsan nang ginamit ang wikang pambansa upang udyukan ang mga mamamayang Pilipino na magkaisa sa pagpigil sa lumalalim na pag-abuso ng isang pangulo sa kanyang kapangyarihan.

   Sa makatuwid, malaki ang ginagampanan ng wikang Filipino upang makamit ang pagkakaisa sa loob ng tahanan, sa simbahan, at pamayanan. Ginagamit ito upang magkaunawaan ang bawat isa at kung lubos na nagkakaunawaan ang lahat, hindi imposible ang pagkakaisa tungo sa pagsulong sa iba`t ibang aspeto ng buhay.

  - Lawrence Avillano (buwan ng wika 2014 - Filipino: Wika ng Pagkakaisa)