Friday, September 16, 2016

Ang Alamat ng Langaw


Alamat ng langaw
Isang libong taon matapos ang malawakang pagbaha na gumunaw sa mga sinaunang sibilisasyon. Sumilang ang isang kaharian sa isang lambak sa pampang ng ilog Yuan sa bahagi ng mundo na kilala bilang Tsina ngayon. Ito ang kaharian ng Yum-Yum na pinamununuan ng biyudong si Haring Tsing-Tsang-Tsu.

Sa kasagsagan ng pamumuno ng hari naging napakaunlad ng buong pamayanan. Ano pa`t namuhay ang lahat nitong mamayan sa hindi matatawarang karangyaan. Masaya na sana ang hari, kundi lang dahil sa nagiisa niyang anak na si Lang Ao.

Mayabang itong si Lang Ao. Palagi niyang ipinagmamalaking siya ang nagiisang anak ng hari. Ang magiging tagapagmana ng kaharian. Maluho siya at laging laman ng mga kasiyahan. Hindi siya papayag na hindi siya iimbitahan sa kahit na pinakamaliit na salu-salo sa kanilang nasasakupan. At kung mangyari ito, ipadadala niya ang kanyang tauhan upang ipatigil ang kasiyahan.

Wala naman sanang masama kung maimbita si Lang Ao sa mga handaan. Ang problema nga lang ay ang ubod niyang kayabangan. Gusto niyang sa kanya nakatutok ang atensiyon ng lahat at siya ang aasikasuhin ng may paganap. Bukod pa sa taglay niyang kalikutan at katakawan. Mahirap siyang pagsabihan. Kung makinig man ay agad ring naguuli. Palagi ngang ganoon si Lang Ao. Hanggang sumapit ang isang araw sa kanyang buhay na hindi malilimutan ng buong Yum-Yum.

Unang araw iyon sa unang linggo ng tagsibol. Ang mga araw na mainam para sa kasal ayon sa kulturang Tsino. Kaya naman kabi-kabila ang kasalan. Sa makatuwid dagsa rin ang imbitasyon para kay Lang Ao. Imbitado siya ng lahat ng may pakasal sa tagsibol na iyon, maliban na lamang sa isa. Hindi siya pinasabihan ng pamilyang Ben Ben.

Maraming dahilan ang ama ng tahanan. Isa na dito ang pagiging payak ng gaganaping handaan para sa kasalan. Kaunti lamang ang magiging handa at hindi magtatagal ang kasiyahan sa dahilang kinakapos sila sa mga panahong yaon. Nagkasunod-sunod kasi ang kanyang pagkalugi sa Kalakalang Kipot Malay sapagkat umiinam na rin ang mga kalakal buhat sa ibang kaharian sa Indo-Tsina. At iyon nga ang dahilan kung bakit hindi na inanyayahan ng matanda ang anak ng hari. Bagay na lubos na ikinagalit nito.

Nang dumating ang araw ng handaan naging masaya rin ang lahat sa kabila ng pagiging payak nito. Ngunit sa kalagitnaan ng lahat dumating ang anak ng hari kasama ang mga bayaran nitong tauhan. Galit na galit itong nagtutungayaw.

"Hindi niyo ba alam na ako ang anak ng hari! Ang tagapagmana ng lahat niyang kayamanan! Saan kayo kumuha ng kalapastanganan upang hindi ako anyayahan sa piging na ito?! Saan?!" Halos lumuwa ang mata nito at nanlalaki ang butas ng ilong sa galit.

"Hala! Ibubo ninyong lahat ang handa sa lupa!" Utos nito sa mga bayarang tauhan sa pagkatigagal ng lahat ng naroon. Wala na silang nagawa upang lumaban at ipagtanggol ang sarili sa kahihiyang ginagagawa sa kani la ni Lang Ao.

Matapos maibubo sa lupa ang lahat ng pagkain at inumin sa piging na iyon, sumigaw si Lang Ao sa pinakamatalim niya tinig. "Lamunin ninyong lahat ang mga yan! Kamatayan ang kaparusahan sa hindi susunod!" mariin pa nitong utos.

Ngunit bago pa makasunod ang lahat ay dumating na parang kidlat sa gitna ng piging na yaon si Xiezhi at si Gao-Yao, ang mga Diyos ng katarungan at paglilitis.

Sa pagkakagulantang ng lahat ay sabay nilang pinakawalan ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa kanilang palad kasabay ng pagbigkas ng mga salitang "Dahil sa ang mga ginagawa mo ay isang malaking kalapastanganan sa mata ng mga Diyos at `sang katauhan na nagpapakita ng kawalang katarungan, ay isinusumpa ka naming maging isang nilalang na nagtataglay ng iyong mga masamang katangian upang ikaw ay hindi na panularan pa kailanman!"

Lumipas ang ilang sandali at nasaksihan ng mga naroroon ang pagbabagong anyo ng anak ng hari. Si Lang Ao ay naging isang nilalang na kasing laki lamang ng butil ng mais, maitim, may malaking mga mata at may mga pakpak na humuhuni na animoy bulong. Nagpalipad-lipad itong may taglay na kalikutan. Dumadapo sa mga natapong pagkain at pinagkukuskos ang mga kamay na animo ay gutom na gutom.

Sa pagkagulat ng mga naroroon ay natawag nila ang pangalang "Lang Ao! Diyos ko! Nagbago ang anyo no Lang Ao! Si Lang Ao yan!" kagaya na rin ng pagsambit nila sa tuwing nakikita nila ang insektong iyon ng mga sumunod pang araw.


Sa paglipas ng panahon ang Lang Ao ay naging Langaw dahil na rin sa pagsasalin-salin at pagpapalit wika.

Karapatang Ari (Intellectual Property Right)
Bawal Kopyahin ng Walang Pahintulot mula sa May Akda
Makipag Usap  I-Pm sa kanyang Facebook Account-
Lawrence Avillano

No comments:

Post a Comment