Monday, September 12, 2016

Ang Alamat ng Sabon

Sabon
Nuong unang panahon, sa isang malayong baryo sa bayan ng Kalilayan. May isang dalagang nagngangalang Savone. Maganda sana si Savone, matangkad, maputi, at matalino rin. Maalam rin siya sa mga gawaing bahay maliban na lamang sa paglalaba.
Masipag maglaba si Savone ngunit kahit anong gawin niyang kusot, pukpok at piga sa damit ay hindi masaid-said ang libag at dumi nito. Isang bagay na lubos na ikanagagalit ng masungit niyang nanay na si aling Maria Yvette Luisa Anne (Myla for short).
Isang araw noon ng Sabado, at bahagya pa lamang bumababa ang araw sa kanluran (Mga alas-tres siguro yon). Naglalaba si Savone sa ilalim ng mayabong na puno ng Ilang-ilang. Ibinubuhos ang lakas at pinipilit linising mabuti ang damit na pinalalabhan sa kanya ni aling Myla (na ayon dito ay susuotin daw niya sa pakikipagpulong sa alkade) nang dumating ang nasabing ale.
Sa pagbungad pa lang ay napansin na niya ang dumi sa laylayan at gayaran ng damit. At sa galit na galit na tinig ay kanyang sinabi "kanina mo pa yan nilalabhan! Ang dumi-dumi pa rin. Nakakalorkee ka tsaka bels!" (mala kris aquino nitong sinabi). "Pasensiya na po kayo Nay! Ginawa ko na po ang makakaya ko. I cant really do it as you wish. Aayusin ko na po sa susunod" mala Bea Alonzong sagot ni Savone. "Hindi mo ba nakikita yan? Yang mga duming yan! Yan!" Gigil na gigil pa rin si aling Myla. At nasambit niya. "Sa susunod?! Sa susunod ka diyan! Dapat yan! Yan na lang sanang muka mong yan ang ikuskos sa mga damit ko para kitang-kita mo ang mga dumi at nang luminis ang mga damit na lalabhan!" Halos mapatid ang mga litid ng ale sa pagsasalita na sinabayan pa ng pagduro sa muka ni Savone.
Ang hindi alam ni Aling Maria Yvette Luisa Anne, narinig ng mga diwatang naninirahan sa puno ng Ilang-ilang ang mga huli niyang sinambit at inakalang isa iyong hiling.
Kinabukasan, tinatawag ni aling Myla si Savone upang mapagbilinan ng mga gawaing bahay sapagkat siya nga ay makikipagpulong sa Alkalde. Ngunit tila kakatwa at hindi sumasagot si Savone. Hinanap niya ito sa buong bahay ngunit wala rin si Savone duon. Kay ipinasya niyang puntahan ito sa lugar kung saan ito naglalaba, sa ilalim ng puno ng Ilang-ilang. Ngunit ng sapitin niya ang lugar ay wala rin duon si Savone.
At sa paggala ng kanyang mga mata ay merong isang hindi pamilyar na bagay siyang napansin. Isang puting bagay ang nasaibabaw ng labada.
Hindi niya pinansin ang bagay na iyon at tumuloy na sa pulong. Nagiwan na lamang siya ng sulat-habilin para kay Savone.
Sa pagbalik niya ng hapon na iyon mula sa Pulong. Wala pa rin si Savone sa bahay at lahat ng bilin niya ay di rin nagawa. Galit na galit siyang sumugod papunta sa punong Ilang-ilang sa pagaakalang naroroon ang dalaga. Ngunit wala! Wala ito roon! Wala kahit anino ng dalagang si Savone. Ang naroon lamang ay ang labadang hindi pa rin nagagalaw at ang kakatwang puting bagay sa ibabaw nito.
Sa sobrang galit ay napagbalingan niya ang labada. Hinablot niya ang mga ito at sa paghablot niya ay di sinasadyang napakuskos ang puting bagay sa isang damit. Napansin niyang tila naglabas ito ng mga bula at ng kakaibang bango.
Nang dahil sa pagtataka ay ipinagpatuloy niya ang pagkuskos ng bagay na puti sa damit. At bumubula nga! Natatagkal ang mga dumi! Lumilinis ang damit sa bawat kuskos lalung-lalo na kung sasabayan ng kusot. At habang tumatagal naamoy niya ang isang bango, bangong katulad ng amoy ng pabango ni Savone. At dahil duon ay naala niya ang anak at ang pagbabanta niya dito nuong nakaraang araw. Pagbabantang tila sumpa.
Napaiyak na lamang si aling Maria Yvette Luisa Anne. Dininig pala ng nasa taas ang kanyang nasambit. At lubos siyang nagsisisi.
Lumipas ang mga araw at di pa rin bumabalik si Savone. Ngunit naging pansinin ang mga damit na suot ni aleng Myla. Madalas siyang tanungin ng mga kakilala "bakit ang lilinis ng damit mo?" "bakit ang babango ng mga damit mo" . At wala siyang maisagot kundi.... Savone.
Lumipas ang mga araw at nakarating sa mga negosyante ang kakaibang bango at linis ng damit ni aling Myla. Sa kanilang panayam sa ale, napagalaman nila ang tungkol sa puting bagay na tinatawag na nitong Savone sapagka't alam niyang ito ang kanyang anak.
Ginaya ng mga negosyante ang unang Savone gamit ang iba't-ibang sangkap. At ipinagbili ito. Sa bawat pagtatanong ng mga bumili at nagsigamit, wala silang naging tugon kundi "Savone, Savone ang pangalan niyan! Oo Savone, Savone nga iyan!"
At lumipas ang mahabang panahon. Ang Savone ay naging Sabon. Yung nga ang alamat ng Sabon. Savone-Savone

#lawrenceavillano
- Lawrence Avillano 2016
Intellectual property. Do not copy without permission


No comments:

Post a Comment