Showing posts with label Pinoy.. Show all posts
Showing posts with label Pinoy.. Show all posts

Sunday, October 6, 2019

Impluwensiya ng mga Tsino sa Kulturang Pililipino

Ilan sa bahagi ng ating kultura ay hiram o halaw lamang sa kultura ng mga dayuhan. Likas sa mga Pilipino ang mabuting pagtanggap kung kaya naman ang kultura ng ibang lahi ay mabilis din nating nayayakap. Isa sa mga dayuhang madalas nating nakakahalubilo ay ang mga Tsino o Intsik.

Hindi kaila sa atin na ang mga Tsino ay may malaking impluwensiya sa ating kultura. Sa ating pakikihalubilo sa kanila, nakuha natin ang ilan sa kanilang mga gawi, pagkain, kagamitan,at maging ilan sa kanilang mga paniniwala. Hanggang sa ngayon, ang kulturang Pilipino ay patuloy pa .
ring naiimpluwensiyahan ng lahing naging malapit na sa atin.

Mga Popular na Pagkaing Mula sa mga Tsino.
Mga pagkaing impluwensiya ng mga Tsino sa Pilipino



Ang mga pagkaing tsino ay malasa at sagana sa sangkap. Kaiga-igaya rin sapagkat mura, madaling ihanda at talaga namang nakabubusog. Ilan lang mga ito ang sumusunod;


  1.  Mami at Lugaw - Popular na pagkain sa mga lansangan dahil mura at talaga namang makatitighaw ng gutom. Ang malasang sabaw ng mami ay kinahiligan ng maraming pinoy at karaniwang inilalako sa palengke at mga lansangan samantalang ang lugaw naman na re-invent at nagkaron ng ibat-ibang timpla at luto ay madalas na inihahanda ng pamilyang Pilipino sa tahanan
    SIOPAO
    SIOPAO
  2.  Siopao - Ang siopao ay halaw sa cantonese steamed bun ng mga tsino. Ang sinaunang siopao ay bun na gawa sa bigas ngunit gumagamit na rin sa ngayon ng ibang sangkap. Pinapalamanan ito ng karne, gulay at mga pampalasa at saka pinasisingawan. May dalwang uri ng siopao na popular sa bansa. Ito ang siopao asado at bola-bola.
    Fried Siomai
    Fried Siomai
  3. Siomai - Isa pa sa pagkaing Tsino na nagustuhan na ng maraming Pilipino. Ang siomai ay dumpling na may masang mula sa bigas o sa primera klaseng harina at pinalaman ng karne ng baboy (pork),  manok, hipon, o baka. Ang dumpling ay pinasisingawan o di kaya naman ay ipiniprito.
    Pansit Habhab
    PANSIT
Ang iba pang pagkain na nagmula sa tsina ay ang lumpia, pansit, puto at kutsinta.



Mga Kagamitang Pilipino na Halaw sa mga Tsino.

Mga Kagamitang Porselana
Mga Kagamitang Porselana

May mga kasuotan at kagamitan sa tahanan ang mga Pilipino na natutunan natin gamitin mula sa mga tsino. Ito ay resulta ng patuloy na pakikihalubilo natin sa kanila. Hanggang sa ngayon, ginagamit pa rin natin ang mga ito.

Ang paggamit ng tsinelas ay nakuha natin sa mga Tsino. Nang dumating ang mga Kastila, marunong na ang ilang pangkat gumamit ng tsinelas. Di kalaunan, gumawa na rin ang mga Pilipino ng tsinelas na yari sa abaka.


Ang paggamit ng mga kagamitang porselana, gaya ng pinggan, baso at platito ay natutunan din natin sa mga Tsino. Ang mga kagamitang ito ay ang pangunahin nilang kalakal kaya hindi kaginsa-ginsa na natutunan natin itong gamitin. 

Ang kasuotang kagaya ng Kamisa ay impluwensiya rin sa atin ng mga intsik. Nauso sa mga Pinoy ang paggamit ng Kamisa na mahaba ang kamay na nagagamit pananggalang sa mainit na sikat ng araw kapag nagtatrabaho sa bukid o di kaya naman ay nangingisda.

Impluwensiya ng mga Intsik sa Gawing Pilipino.


Kung papansining mabuti, makikilala natin ang impluwensiya ng mga Tsino sa ating mga gawi. Ilan sa mga mga ito ang pagtawag nang Ate sa nakatatandang kapatid na babae, Kuya sa nakatatandang kapatid na lalaki at Bunso sa nakababatang kapatid. Ang mga terminolohiyang ito at halaw sa Lengwaheng Hokkien ng Tsina.

May maidadagdag ka pa ba sa talakaying ito. Anu-ano pa ba ang impluwensiya ng mga intsik sa kulturang Pilipino?


Tuesday, August 26, 2014

Filipino: Wika ng Pagkakaisa

   Tunay nga kayang wika ng pagkakaisa ang wikang Filipino? Paano nito pinagbubuklod ang lahing Pilipino mula sa loob ng tahanan hanggang sa pamayanan?

   Simulan nating tingnan kung paano pinag-iisa ng wikang Filipino ang pamilya bilang pangunahing yunit ng pamayanan.

    Tunay na mahalaga ang pagkakaisa para sa pamilyang Pilipino na kilala sa pagiging malapit sa isat-isa. Ngunit hindi ito makakamit kung hindi nagkakaunawaan ang bawat miyembro ng pamilya. Dahil dito, kailangan ang isang wikang gagamitin sa araw-araw na pakikipagtalastasan sa loob ng tahanan upang sila ay lubos na magkaunawaan.

   Kung iisa ang wikang ginagamit sa tahanan, magiging madali para sa mga magulang ang mag-utos at magbigay ng tagubilin at madali rin para sa mga anak ang sundin ito sapagkat sila ay lubos na nagkakaunawaan. At kung sila ay nagkakaunawaan matatawag silang buo at isang pamilya na sama-samang humaharap sa mga hamon ng buhay.

   Sa pamamagitan ng wika, naipapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kulturang minana pa nila mula sa kanilang mga ninuno. Gamit ang wika inihahanda ng mga magulang ang kanilang mga supling sa pakikisalamuha sa pamayanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mabubuting asal at kaaya-ayang gawi.

   Alam natin na hinndi lang sa tahanan natututunan ang mga mabubuting asal. Natututunan din ito sa paaralan at sa simbahan.

   Ang simbahan bilang banal na institusyon ay nagtuturo ng kabutihang asal, pagpapahalaga at kabanalan sa bawat kasapi nito. Gamit ang wikang Filipino itinuturo sa atin ng simbahan ang pagpapahalaga sa sarili at sa kapuwa bilang indibidwal na pantay-pantay sa paningin ng Diyos maging ano pa man ang katayuan natin sa lipunan. Gamit ang wikang Filipino na siyang nauunawaan ng lahat, ginagabayan nila tayo tungo sa pagkakaisa sa bawat panahon.

   Sa labas naman ng simbahan at tahanan ay ang pamayanan na binubuo ng iba`t ibang sektor na ang pangunahing layunin ay ang kaunlaran ng mga mamayan at ng bansa.

   Upang makamit ito, kailangan ng isang wikang nauunawaan ng publiko at iyon ay ang wikang Filipino. Ginagamit ang wikang Filipino sa mga midya tulad ng radyo, tele-bisyon, pahayagan, at internet. Gamit naman ang midya, hinihikayat ang lahat na makiisa sa mga programang pang kaunlaran at makialam sa mga usapin ng pamahalaan.

Minsan nang ginamit ang wikang pambansa upang udyukan ang mga mamamayang Pilipino na magkaisa sa pagpigil sa lumalalim na pag-abuso ng isang pangulo sa kanyang kapangyarihan.

   Sa makatuwid, malaki ang ginagampanan ng wikang Filipino upang makamit ang pagkakaisa sa loob ng tahanan, sa simbahan, at pamayanan. Ginagamit ito upang magkaunawaan ang bawat isa at kung lubos na nagkakaunawaan ang lahat, hindi imposible ang pagkakaisa tungo sa pagsulong sa iba`t ibang aspeto ng buhay.

  - Lawrence Avillano (buwan ng wika 2014 - Filipino: Wika ng Pagkakaisa)