Showing posts with label pilipinas. Show all posts
Showing posts with label pilipinas. Show all posts

Tuesday, June 2, 2020

Kahulugan at Halimbawa ng Kultura

Ang Kahulugan ng Kultura

   
Halimbawa at kahulugan ng Kultura

Ang kahulugan ng kultura ay isang usaping pinagtatalunan ng mga dalubhasa mula sa iba`t ibang sektor ng pag-aaral. Ngunit sa antropolohiya, ang kultura ay tumutukoy sa paraan ng pamumuhay at gawi ng isang pangkat ng mga tao sa isang lugar, bayan, lalawigan o bansa. Ang kultura ay binubuo ng mga gawing panlipunan, pagkain, wika, relihiyon, musika, sining atbp na natatangi sa isang pangkat ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing ang kuktura ay nagsisilbing pagkakakilanlan.

Mga Halimbawa ng Kultura


Wika


Ang kaalaman ng isang pangkat ng tao ay maituturing na kultura. Halimbawa na lamang ay ang wika. Ang wika ay umiiral at nagiging wika kapag ito ay ginagamit at nauunawaan ng isang pangkat ng tao. Kung ang wika ay ginagamit sa malawakang antas at ginagamit nang may istandard na sistema, ito ay ganap na wika. Samantala ang wikang ginagamit ng isang maliit na pangkat ng tao sa isang lugar at walang kilalang standard ng paggamit ito ay maituturing na dayalekto o bernakular.




Mga Gawing Panlipunan


Pagmamano


Ang pagmamano ay isang halimbawa ng gawing panlipunan ng mga Pilipino na isang natatanging pagkakakilanlan ng ating pagka-pinoy. Ang pagmamano ay ang paghalik sa kamay ng mga nakatatanda. Ito ay ginagawa bilang pag-galang at pagpapapakita ng respeto sa mga magulang at nakatatanda.

Po at Opo


Ang po at opo ay mga salitang magagalang na ginagamit ng mga Pilipino, partikular ng mga Tagalog, sa pakikipag-usap sa mga nakatatanda at otoridad bilang tanda ng pag-galang at respeto.

Pagkakamay


Gawi na ng maraming Pilipino ang pagkakamay sa tuwing kumakain. Makikita ang gawing ito lalo na sa mga probinsiya at kanayunan. Ito ay hindi dahil sa kakulangan as kubyertos gaya ng kutsara at tinidor kundi dahil sa likas na nakasanayan ito ng mga Pilipino sa bukid.

Palabati


Likas sa mga Pinoy ang pagiging palabati. Madalas maririnig sa mga Pilipino ang batian at masayang kumustahan at usapan sa tuwing magkikita-kita. Ito ang dahilan kung bakit napupuna ng ibang lahi ang mga Pilipino at sinasabing maiingay.




Pagkain bilang Kultura


Ang pagkain ng isang pangkat ay maituturing din bilang isang pakakakilanlang kultural. Ang pagkakaiba ng hilig at nakasanayang pagkain ay may kinalaman sa heograpiya ng lugar at sa kabuhayan kung saan naninirahan ang isang pangkat. Kung ang mga tao ay nakatira sa malapit sa dagat, karaniwang pangingisda ang kinabubuhay ng mga tao sa lugar. Dahil dito, ang mga inihahanda nilang pagkain at espesyalidad ibat-ibang luto ng mga isda at lamang dagat.Ito rin ang dahilan kung bakit iniuugnay ang pagkain sa isang lugar. Halimbawa nito ay nag pagiging uso ng ginataan at lambanog sa Batanggas at Quezon dahil naroroon ang malalawak na mga niyogan. Dahil sa pagkakaiba-iba sa heograpiya at industriyang pang kabuhayan lumitaw ang iba`t ibang Lutuing Pilipino.


Musika bilang pagkakakilanlang Kultural


Hindi maikakakaila ang ang musika aay isang pagkakakilanlang kultural. Kung susubuking pakinggan ang mga tradisyunal na tugtugin, makikilala natin ang pagkakaiba-iba sa himig, ritmo at tekstura ng musika. May iba`t ibang instrumentong pang-musika na ginagamit ang mga pangkat ng tao na nagdadala ng pagkaka-iba. Sa Pilipinas na lamang, makikita na ang pagkakaiba sa tunog ng musika mula sa kanluranng Pilipinas at mula sa timog.




Sining Bilang Kultura


Ang sining ay isang halimbawa ng kultura. Sa Pilipinas makikita ito sa mga sining na naging industriya na sa isang bayan. Halimbawa na lamang ang husay at galing sa paguukit ng mga tao sa Paete Laguna. Ang lalawigan naman ng Rizal ay kilala sa mga magagandang kagamitan kagaya ng bag at bayong na hinabi mula sa pandan at buri


Relihiyon at Kultura


Ang relihiyon ay may malaking impluwensiya sa kultura.  Sa Pilipinas ang relihiyong kristiyano, partikular na ang Katoliko, ay may kinalaman sa tradiyon ng pista o taunang pagpapasalamat sa itinakdang santong patron para sa isang bayan o baryo. Nagdidiwang din tayo ng mga tradisyunal na pag-ganap gaya ng Santacruzan tuwing buwan ng mayo . Tuwing Semana Santa o mahal na araw mayroong isinasagawang mga mga dula-dulaan gaya ng Pasyon at Tibag.

Lawrence Avillano, LPT

Friday, January 12, 2018

Pangalan ng mga Sinaunang Diyos at Diyosa ng mga Paganong Pilipino

Mga Diyos at Diyosa


Maikling Pagtalakay sa Panahon ng Paganismo


Bago pa dumating sa Pilipinas ang mga mananakop na Kastila at palaganapin ang Relihiyong Kristiyanismo, may pamamaraan na ng pagsamba ang mga Pilipino. Maraming sinasambang Diyos at Diyosa ang mga Pilipino nuong panahon ng Paganismo.

Ang  bawat kilos o gawi ng mga Pilipino, mga kaganapan sa paligid, likas man o gawa ng tao, ay ginagawa ng ating mga ninuno ang pagtawag sa sinaunang Diyos at Diyosa upang humingi ng patnubay, pananda, at tulong. Ito ay isang malaking bahagi ng sinaunang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga banyaga at ipakilala ang iba pang mga relihiyon.

Sa sulating ito, ibabahagi ang pangalan ng mga Diyos at Diyosa ng mga Pilipino nuong panahon ng Paganismo. Bagaman ang mga pangalan ay espisipiko para sa isang tribo o lugar sa bansa, ito ay pinagbuklod na lamang sa isang listahan. Kaya asahan na maaring magkaroon ng dalwang Diyos/Diyosa ng pagaani, digmaan o iba pa. 

Narito ang mga pangalan ng mga Diyos at Diyosa ng mga Paganong Pilipino

  1. Agawe  - Diyos ng tubig
  2. Agni – Diyos ng apoy
  3. Anitun-Tabu – Diyos ng hangin at ulan
  4. Aman Diyari – Diyos na patron ng mga tamad/katamaran
  5. Aman Ikabli – Diyos o patron ng mga mangangaso
  6. Aman Sinaya – Diyos o patron ng mga mangingisda
  7. Apolaki – Diyos ng Araw
  8. Bathala – PINAKA MAKAPANGYARIHANG DIYOS
  9. Bagobo – Diyos ng digmaan
  10. Bayowa – Diyos ng kasunduan, pagkakasundo o pagkakaisa
  11. Habagat – Diyos ng hangin
  12. Haik – Diyos ng karagatan
  13. Haliya – Diyos ng buwan at tagapangalaga ng mga kababaihan
  14. Hayo – Diyos ng dagat
  15. Idiyanale – Diyos ng pagsasaka
  16. Balangaw – Diyos ng balaghari
  17. Dal`lang – Diyosa ng kagandahan
  18. Damalog – Diyos tagapangalaga ng mga pananim o taniman
  19. Dayeha  o Dayea – Diyosa ng mga lihinm o paglilihim
  20. Diyan Masalanta – Diyosa ng pagibig
  21. Dumangan – Diyos ng Ani
  22. Halmista – Diyos ng mahika
  23. Kaptan – Diyos ng kalawakan
  24. Kidul – Diyos ng lindol
  25. Kilubansa – Diyos ng paghilom
  26. Kuntalapa – Diyos ng pagsisilang o panganganak
  27. Lakapati – Diyos at Diyosa (dalawang kasarian) ng pagkamaanakin (fertility)
  28. Lakan Bakod – Diyos na tagabantay
  29. Lalahon – Diyos ng pagaani
  30. Linga – Diyosa ng pagkamayabong o pagkamaanakin
  31. Lisbusawen –Diyos ng mga kaluluwa
  32. Magyawen –Diyos ng ibang daigdig, Diyosa ng karagatan sa mga Bisaya
  33. Mandarang – Diyos ng digmaan
  34. Mangatiya – Diyos  na maghahabi
  35. Mangaragatan – Diyos ng hangin
  36. Mankukutod –Diyos ng niyugan o magsasaka ng niyog
  37. Mapulon – Diyos ng Panahon
  38. Marandandangan – Diyos ng digmaan
  39. Mayari – Diyosa ng buwan
  40. Oghep – Diyos ng mga burol at kabundukan
  41. Pandaki – Diyos na tagapagligtas ng mga kaluluwa
  42. Pasipo – Diyos ng musika
  43. Pati –Diyos ng Ulan
  44. Sehana – Diyos ng pagibig
  45. Sidapa – Diyos ng kamatayan
  46. Sinukuan – Diyos  ng araw, ng digmaan at ng Bundok Arayat
  47. Sirenha – Diyosa ng mga isda
  48. Sitan –Diyos na tagabantay ng kalaliman ng daigdig
  49. Sodop – Diyos ng ginto
  50. Uwinan Sana – Diyos ng gubat o kakahuyan

Ilan lamang sila sa mga Diyos at Diyosa na sinasamba ng mga sinaunang Pilipino nuong panahon ng paganismo. Ang mga pangalan o ang pagbigkas ay nagkakaiba-iba batay sa Tribo o Lugar.

Hindi maitatangi na malaki ang naging bahagi ng mga sinaunang Diyos at Diyosa sa kuturang Pilipino mula nuon hanggang sa ngayo. Bagaman isa nang bansang Kristiyano ang Pilipinas, kinikilala pa rin ng ilan ang sinaunang Diyos at Diyosa sa ilang mga lugar at nagiging bahagi parin ng papuri at kapistahan. Madalas ding mabanggit maging sa mga makabagong panitikan ang kanilang mga pangalan.

Hindi nasisigurado ng may akda ang buong kawastuhan ng sulating ito. Kung mayroong mga pagkakamali, tinatanggap ang inyong pagtatama at pagpuna. Mangyari lamang na magiwan ng komento upang maiwasto ito o `di kaya ay gamitin ang Contact form sa sidebar ng blog upang makipag-ugnayan.

Sunday, September 10, 2017

Matuto ng Libre Mula sa TESDA Online Program

e-TESDA TESDA Online Program

Sa panahon ng internet, naging madali ang paraan ng pagkatuto. Nagagawa na ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority ng Pilipinas na isabay sa pagsulong na ito ang paghahatid ng libreng kaalaman sa nga Pilipino. Kahit nasaan kang panig ng Pilipinas o ng  mundo, basta kunektado ka sa internet ay maari kang makinabang sa kanilang libreng TESDA Online Program sa e-TESDA.

Ang TESDA Online Program o TOP ay isang bukas sa lahat na mapagkukunan ng kaalamang pang-edukasyon na naglalayong ipaabot sa nakararaming Pilipino ang libreng teknikal na edukasyon.

Paano Mag-Register sa TESDA Free Online Courses ?


 Pumunta lamang sa http://e-tesda.gov.ph/login/signup.php at sundin ang mga sumusunod na hakbang:

1. Pumili ng Username o pangalang nais gamitin sa pagpapatala
2. Pumili ng Passsword
3. Ilagay sa patlang ang isang aktibong e-mail adress
4. Ilagay ang pangalan at Apelyido (Note: Dapat Gumamit ng Tunay na Pangalan Dito)
5. Ilagay ang Adress
6. Tukuyin ang Rehiyon
7. Tukuyin ang pinakamataas na antas ng pagaaral na iyong natapos
8. Tukuyin ang kinabibilangang edad
9. Sagutin ang tanong pang-seguridad
10. Mag-login sa e-mail account na ginamit sa pagrerehistro
11. Hanapin ang mensahe mula sa e-Tesda
12. Kumpirmahin ang pagrerehistro sa pamamagitan ng pag-click sa link sa ipinadalang mensahe

Anu-anong Kurso ang Pwede Kong Pagaralan sa TESDA Online Program (e-TESDA)


TESDA Online Program Free Courses


Matapos makumpirma ang Account, maari ka nang mag-login gamit ang rehistradong username.

Pumili na ng kurso sa pamamagitan ng pag-click sa "Courses" sa navigation bar. Kabilang sa mga available na kurso ang mga sumusunod;

Mga Kursong Available Sa TESDA Free Online Courses


1. Agriculture - Fruit Grower
2. Automotive - Battery Servicing at Diesel Engine Tune Up
3. Electronics - Solar Light Assembly
4. Entrepreneurship - Managing Personal Finances at STAR Online Training Program
5. Health Care - Massage Therapy NCII (Swedish Massage, Shiatsu Massage, Thai Massage
6. Air Conditioning -Packaged Air Conditioner Unit Servicing
7. Information and Communication Technology - Animation, Basic Computer Operation, SMART Android Mobile Development for Beginners, SMART Technopreneurship, Web Development with HTML5 and CSS3
8. Microsoft Online Courses
9. Game Development
10. Udacity Google Courses
11. Udemy Courses
12. Lifelong Learning Skills - Job Interview Skills and Building Self-Confidence
13. Maritime - Ships` Catering NCII
14. Social, Community  Development
15. Tourism
16. Bread and Pastry Production NCII
17 Cookery NCII
18. Food and Beverage Services NCII
19. House Keeping NCII
20. Trainers` Methodology I and II

Ang bawat kurso ay binubuo ng mga Module. Maari ka nang magsimula matapos magrehistro sa napili mong kurso. Makikita ang iyong pagunlad sa napili mong kurso sa iyong dashboard sa kaliwang sidebar. Maari ka ring mag-enroll sa iba pang kurso ng magkasabay at maari mo rin i-unenroll ang mga kurso.

Mga Katanungan


1. May bayad ba ang pag-enroll sa e-TESDA?

Wala po itong bayad. Ito po ay libre sa pangkabuuan at para sa lahat

2. Magkakaroon na ba ako ng Sertipiko pagkatapos ng aking online-courses?

Hindi Po. Wala pong ibinibigay na Sertipiko ang e-TESDA sa mga makakatapos ng isang kurso sa website. Kung nais mo pong makakuha ng Sertipiko para sa natapos na online-course, maari ka pong magpunta sa pinaka-malapit na TESDA Assessment Center kung PALAGAY NA PO KAYO SA INYONG KAKAYAHANG KUMUHA NG PAGSUSULIT.

Note: May bayad po ang pagkuha ng assessment sa TESDA.

Para sa iba pang katanungan makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na TESDA Center sa inyong lugar o tumawag/mag-email sa Contact Details na Matatagpuan sa e-TESDA WEBSITE

Sa ngayon ang TESDA Online Program ay may mahigig isang milyong (1,000,000 +)  rehistradong estudyante na! Kaya magrehistro ka na rin at matuto ng libre sa e-TESDA!



Friday, January 20, 2017

ANG PANINIWALA NG MGA PILIPINO TUNGKOL SA MGA ENGKANTO


Naniniwala ba ang mga Pilipino sa mga Engkanto? 


Mga Engkanto at Engkantada
Mga Engkanto at Engkantada


   Simula pa nuong unang-una lubos na talagang naniniwala ang mga Pilipino na may mga engkanto at lamang lupa. Bagaman hindi nakikita , sinasabing nasa paligid lamang  sila at namumuhay na katulad nating mga normal na nilalang.

Ano nga ba ang mga anyo at uri ng mga engkanto?

shape shifter
Engkantong shape-shifter


    Ayon sa mga matatanda at sa mga may karanasan na. May ibat-ibang kaanyuan ang mga engkanto. Mayroong kalahating tao at kalahating hayop. Mayroon din namang mga hayop na may kakayahang magsalita o makipag usap sa mga tao. May nagsasabing ang mga engkanto daw ay anyong tao din na may bihis maharlika at aristokrata, katulad ng mga sinaunang tao.

Ayon  naman sa iba sila ay mga taong may mataas na antas nga pamumuhay. Maiuugnay dito ang mga kwento tungkol sa maalamat, kagilagilalas at misteryosong isla ng Biringan sa Samar. Sinasabing ang Biringan Island daw isang isla na natatago sa mata ng karamihan. Nagku-kuwento ang ilang tagaroon na naranasan na daw nila ang makarating sa nasabing Isla Biringan sa Samar at ang iba naman ay pinagpakitaan ng misteryosong Biringan Island


Saan matatagpuan ang mga Engkanto?


      Matatagpuuan ang mga engkanto sa halos lahat ng lugar. Sa kabundukan, sa kagubatan, sa dagat, sa mga ilog at sapa at maging sa mga matataong lugar man. Sinasabing ang daan daw patungo sa daigdig ng mga engkanto ay nasasa malalaki at matatandang puno, sa mga batuhan at sa malalim na ilog at sa ilang piling lugar.

Ano ng epekto ng paniniwala sa engkanto at lamang lupa sa buhay at kultura ng mga Pilipino?


Engkanto


     Ang paniniwala sa mga engkanto ay maiuugnay sa pagiging magalang ng mga Pilipino at sa pagiging mapagmahal sa kalikasan. Magalang na tinatanggap ang mga bisita, kahit na ang mga estranghero, lalung- lalo na sa mga liblib na lugar sa mga lalawigan sapagkat maari daw na ang taong ito ay isang engkanto na nag-anyong tao. Maaring magtamo ng mabigat na kaparusahan ang sinumang magtataboy at hindi magbibigay ng tulong sa  isang pulubing humihingi ng kaunting tulong o nakiki-inom lang ng tubig. Ang malawakang tagtuyong naganap sa isang lalawigan sa Mindanao ay sinasabing  naging resulta ng pagdadamot ng mga mamamayan sa mga pulubing nakiki-inom.


 Lubos naman ang pag-aalaga ng mga Pilipino sa mga matatandang puno sapagkat sinasabing  duon nanahan  ang mga engkanto. Madalas din silang magpasintabi sa tuwing dadaan sa mga malalaking bato, sa mga sapa at batis at sa tuwing maglulunoy sa  mga ilog. Sinasambit nila ang salitang “ tabi-tabi po nuno” sa tuwing magagawi sa mga lugar na pinaniniwalaang pinamamahayan ng mga engkanto.

Ang pagkakaroon ng albularyo “shaman” ay maiuugnay din sa paniniwala ng mga Pilipino sa engkanto. Sa tuwing may mga hindi pangkaraniwang sakit ang isang tao, katulad ng biglaang pagtubo ng mga bukol sa katawan at pamamaga, dinadala nila ito sa isang albularyo upang masuri at isagawa ang “pagsusuob o pagtawas” upang matukoy kung ang karamdaman ay kagagawan nga ng isang engkanto. Kung mapatunayang kagagawan nga ito ng engkanto, isasagawa ang isang ritwal ng pag-hingi ng tawad. Karaniwan nang nag-aalay ng isang buhay na manok at malagkit na bigas sa lugar kung saan sinasabing nanahan ang engkantong nasaktan.Kung totoo man o hindi ang pag-iral ng mga engkanto. Ang  paniniwalang ito ay may malaking ambag kulturang Noypi

Lawrence Avillano 2017


PAGMIMINA NG GINTO SA PILIPINAS

Ibat-ibang Pamamaraan ng  Pagmimina ng Ginto sa Pilipinas


pagmimina
Isang halimbawa ng Tunnel o Lagusan sa Minahan

Ang pagmimina ay isa lamang pangkaraniwang hanap buhay sa pilipinas. Bagaman hindi malakihan ang kita, ito ay sapat na bilang panustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya.Ang pagmiminang isinasagawa ng mga pangkaraniwang mamamayan  sa Pilipinas ay maituturing lamang na pag-galugad o prospect mining (prospecting).

May ibat-ibang paraan ng pagmimina;

  • placer mining
  • crevice mining
  • hard rock mining
  • dredging


PLACER MINING


Pagmimina ng Ginto
Gold nugget na nakuha sa placer mining.
Ang placer mining ay pagmimina na isinasagawa sa mga ilog o sapa. Humahanap ng  lugar sa ilog ang mga minero kung saan inaakala nilang nakadeposito ang mga gintong tinatangay ng agos. Karaniwan na itong matatagpuan sa likod ng malalaking bato, natumbang mga puno, mga mauugat na halaman at nakalitaw na bed rock.

 Pinapala ang mga lupa at inilalagay sa sluice box na nakaharang sa umaagos na ilog. Matatangay ng agos ang lupa at buhangin at maiiwan ang mga bato at piraso ng ginto dahil masmabigat ito. Isinasagawa naman ng mga karaniwang mamamayan ang placer mining gamit ang panning technique dahil sa maykamahalan din ang sluicebox at masmadali silang nakalilipat ng lugar.

Crevice Mining


Ito ay pagmimina na isinasagawa sa mga bitak ng nakalitaw na bedrock. Ito ay natural na mga bitak na dala ng mga natural na paggalaw ng lupa. Napakagandang paraan nito lalung-lalo na kung ang bitak ay nasa slope. Ang mga crevice ay nagtataglay hindi lang ng ginto kundi ng mga mamahaling bato at Kristal.  Ang mga flakes ng ginto na inaanod ng tubig mula sa bundok ay nahaharang ng bitak at nadedeposito duon. Kailangan ng mapanuring mata sa pamamaraang ito upang matukoy ang bitak kahit na matakpan pa ito ng mga damo. Ang mga lupa ay kinukuha sa bitak at hinuhugasan sa pamamagitan ng panning at sluicing upang makuha ang mga gold nugget.



Hard Rock Mining o Open-pit Mining

Pagmimina ng ginto
Pagmiminang Hard Rock o Open-pit
Ito ay pagmimina na isinasagawa sa mga lugar na may mga batong Quartz. Ang quartz ang palatandaan ng ginto at mga mineral. Mabuting suriin ang bato, hanapin ang kulay green (luntian), Pula at itim. Ito ay palatandaan ng mga mineral tulad ng bakal at pyrates na maiuugnay sa ginto. Ang mga ginto ay maaring irekover sa pamamagitan ng pagtibag, pagpapasabog at drilling. Ang mga ginto ay maihihiwalay sa ore sa pamamagitan ng milling at cylinder concentrator.


Dredging


Ang dredging ay isa sa pinaka mapanganib na paraan ng pagmimina sa Pilipinas. Kinakailangang sumisid sa putik at lamaw ang minero at isilid sa timba o sako ang pay dirt kung hindi naman ay higupin ito ng pump pataas. Ito ay karaniwang isinasagawa sa mga latian na dating bahagi ng isang malaking ilog. Kailangang mapatotohanan muna na ang latian ay dati ngang ilog na natahuban dahil sa errosion o di kaya naman ay dahil sa lumago o nabulok na mga halaman. Ito ay maisasagawa sa pamamgitan ng Sampling at sa pagtatanong sa mga tagaroon particular sa mga matatanda. Maari ring pagaralan ang ayos at maturity ng ilog. Mahalagang Makita ang palatandaan ng ginto sa paligid ng ilog bago sumuong sa mapanganib na pamamaraang ito.



Saang Lugar Maraming Ginto o Karaniwang Minahan sa Pilipinas?


Ang ginto ay matatagpuan sa halos lahat ng sulok ng Pilipinas. Ilan dito ay ang;

  • Ilog ng Unisan sa Unisan at Agdangan Quezon
  • Abra
  • Legazpi
  • Albay
  • Marinduque
  • Dumaguete
  • Batanggas
  • Davao
  • Agusan

Ano ang mga masasamang epekto ng pagmimina?


Napakalaki ng nagging epekto ng pagmimina sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas. Halos nakalbo ang at natibag ang mga kabundukan dahil sa kaliwa`t kanang mibnahan. Nagsulputan ang mga dayuhang kompanya sa bansa dala ng magaang mga batas at medaling pagkuha ng sertipiko ng pahintulot sa pagminimina.

Nakatutulong ba ang pagmimina sa Ekonomiya?


Hindi masasabing malaki ang naging ambag ng mga minahan sa ekonomiya ng bansa. Ito ay dahil sa napakaliit lamang na buwis na ipinapataw dito.


Monday, March 2, 2015

Ano ang Tibag?

Tibag - Isang Dulang Pamapanitikan 


Ang Tibag ay isang pagtatanghal kung buwan ng Mayo na nakaugalian na sa Bulakan, Nueva Ecija, Bataan, Rizal at Bicol. Ito ay tungkol sa paghahanap ni Sta. Elena sa mahal na Sta. Cruz na kinamatayan ni Kristo.


Ano Ang Tibag


Ang dulang Tibag ay sinulat ni Fruto Cruz. Ang dulang ito ay nahahati sa dalwang bahagi:

    1. Pagtatagumpay ni Emperador Constantino sa kanyang mga kalaban at ang pagkakatuklas
              ni Sta. Elena sa krus na Kinamatayan ni Hesus.
    2. Pagtatagumpay ng mga pinunong Kristiyano laban sa mga hindi binyagan at ang pagkakasauli
            sa mahal na Santa Cruz sa bundok ng Kalbaryo.

   May bahaging itinatanghal sa entablado at may bahagi na lumalakad ang mga tauhan na humahanap sa bundok. Ito ay tatlong bundok na ginawa sa ibat-ibang bahagi ng bayan. Karaniwan itong ginagawa sa mga lugar na kung tawagin ay Hermano.

   Ang kumakatawan kay Sta. Elena at sa mga kawal,  kasama pati ang Haring Constantino ay lumilibot upang hanapin ang Krus na kinamatayan. Bago tibagin ang bundok, may mga binibigkas silang berso at mga pagpapuri. Ang krus ay matatagpuan sa ikatlong bundok. Kung matagpuan na, itoy ipo-prosisyon na magtatapos sa simbahan.

  Kaakit-akit ang kasuotan ng mga nagsisiganap. Bago ang paghahanap sa krus ay may bahaging ginaganap sa entablado na nagsasadula ng paglalaban ng mga Moro at Kristiyano. Palagi nang panalo ang mga Kristiyano sa bahaging ito.


 Matapos ang paglalaban ng mga Kristiyano (Bingyagan) at Moro (di binyagan) kung saan  magwawagi si haring Constantino, masasakop niya ang bayan at may laya na sila upang hanapin ang krus na kinamatayan.   May mga bahay na siyang namamahala sa tatlong bundok. Doon nagtutungo ang mga tauhan upang itoy tibagin. Si Sta. Elena, mga kawal at ang Hari ang maghahanap at titibag sa mga nasabing bundok. 
   

Thursday, January 29, 2015

#SAF44 Tula ng Pagsaludo para sa mga biktima ng Mamasapano Encounter


Sa inyo Sir Anak Kuya Itay Tito Bunso
na pumanaw para sa bayang ito
kayo samin ngayon ay bayaning bago
narito ang tula bilang pagsaludo

PANAMBITAN NG ULILA NG DIGMA

Anak..
Hindi kita malilimutan
mula sa pagyakap sa sinapupunan
ipagmamalaki ko habang nabubuhay
ikaw ay pumanaw nang dahil sa bayan
Kuya...
Ikaw na sa akin ay nakatatanda
naging huwaran ka nitong pagkabata
bakit sa paglisan ang loob ko`y sasama?
ika`y bayani na nitong imbing bansa
Itay..
Ikaw itong aming tanging sandigan
na nagpapatibay sa ating tahanan
ngayo`y nariyan ka sa huling himlayan
Ito`y nang dahil sa pag-big sa bayan
Tito...
Naalala ko pa ang mga payo
habang ikaw ay kalaro ko
na wala nang hihigit pa sa pagsusundalo
ngayon inaawit ang pambansang himno
para sayo...
Bunso...
Lubos itong aming paghihinagpis
kung para sa iyo lahat na`y tiniis
ngayon luha namin ay namamalisbis
di ka na babalik mula nang umalis
Sir!
Tagapagpatupad ng kaayusan
tagapagtanggol ng bayan
sa pagkamatay nyo ako`y sinilaban
ilang buhay pa kaya ang wawakasan
alang-alang sa kapayapaan
Sir!
ang kislap ng watawat ngayo`y walang ningning
ang bituin at araw niya ngayon ay nagdidilim
sapagkat lupa ng araw ng luwalhati`t pagsinta
ay nagluluksa ng dahil sayo...

#SAF44  #Fallen44 #SAFPNP #JUSTICE #MAMASAPANOMASSACRE

Sunday, January 18, 2015

May Pope Man o Wala



“We are all God`s Children
   We are all the same”

   Yan ang dalawa sa mga linya ng awiting naging tema sa pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas. Ngunit ano nga ba ang nais iparating nito? Ano ang layunin ng Santo Papa sa pagdalaw niya sa bansa? At ano ang naging epekto nito sa bayan at sa mga mamamayan?

    Kung ating pakalilimiing mabuti ang mensahe ng awitin, simple lang naman ang nais iparating nito sa sino mang taong nakikikinig. Nais nitong ipabatid na ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Ano man ang iyong lahi, relihiyon, kulay ng balat, lenguwahe at katatayuan sa buhay, isa ka rin sa mga anak ng diyos. Kaya naman hindi dapat magkaroon ng puwang ang diskriminasyon sa ating lipunan. Walang karapatan ang sinuman na maliitin at apihin ang kanyang kapuwa tao dahil lamang sa inaakala niyang nakatataas at nakalalamang siya dito sa ilang aspeto.

    Ihinahatid din ng awiting ito ang diwa ng pagbibigayan. Ayon nga sa Santo Papa “We must learn how to give even in our own poverty”.  Sa mga salita niyang ito, mapagtatanto natin ang katotohanan na hindi lang ang mga mayayaman ang may kakayahang magbigay at tumulong sa mga naghihikahos at nangangailangan. Maging ang mga wala rin o ang tinaguriang mahihirap ay may kakayahan ding makatulong sa kanyang kapuwa kapus-palad. Sapagka`t ibat-iba ang paraan ng pagbabahagi, may ilang paraan ng pagtulong na kayang ibigay ang isang mahirap sa kapuwa niya kulang-palad. Ayon nga sa kasabihan ng matatanda “Ang tubig sa batis ay madaling salukin kumpara sa tubig ng ilog na malalim”.
  


     Ang pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas ay tila ba isang muling pagkabuhay sa simbahang Katoliko Romano. Kung ating aalalahanin, matatandaang ilang ulit nang ibinalita ang resulta ng ilang servey kung saan lumalabas na kakaunti na lamang ang bilang ng mga Katoliko na aktibo sa pagsisimba. Sa kanyang pagdating ay tila ba nadiligan ang isang halaman na unti-unti nang dinadaig ng mga damo at tinutuyo ng mabagsik na araw. Ang halamang tinutukoy ko ay walang iba kundi ang pananampalataya at simbahang Katoliko Romano.

    Para naman sa bayang nananahan sa silong ng mapagpalang langit ng silanganan. Ang pagbisita ni Lolo Kiko bilang haligi ng simbahang Katoliko at itinuturing ng ilan bilang isa sa kahalili ng diyos sa balat ng lupa ay isang matagumpay na araw.  Napagtagumpayan ng bayan na ipakita sa pagkakataong ito ang kanyang hindi matatawarang kakayahan na mabuklod at magkaisa para sa isang natatanging layunin.

   Bilang isang kabataang sinibulan ng damdaming makabayan, bagaman hindi isang katoliko, ay nagpapasalamat ako sa Santo Papa. Sa aking diwa ay sumibol ang isang hiling-panalangin, na sana, ay manatili sa puso ng bawat Pilipino ang naging mensahe ng pagpagdiriwang na ito. Tayong lahat ay anak ng diyos at yan ay totoo may Pope man o wala.





Monday, January 12, 2015

Pope Francis sa Pilipinas: Ano Ang Dapat Asahan

Ang katatapos lamang na pista ng Poong Nazareno ay isang kaganapan na nagpapatunay sa pagiging isang bansang Kristiyano ng Pilipinas. Libo-libong deboto ang dumayo sa Quiapo at Pumila sa Grand Stand para humalik sa paa ng itim na Nazareno. Isang gawing nagpapakita ng malalim na pananampalataya sa poong manunubos.

Nitong mga nakaraang araw naging maingay sa midya ang nalalapit na pagbisita ng Papa ng Katoliko Romano sa bansa na si Pope Francis. Naging usap-usapan din ito maging sa sosiyal midya. Ngunit ano nga ba ang inaasahan natin sa pagdating ng kataas-taasang taga-pangulo ng simbahang katolika? May maitutulong ba ito sa bansa? Ano ang magagawa ng pagdalaw na ito para sa mga mamamayan? Narito ang aking palagay

Ang pagbisita ni Pope Francis, bilang pinakamataas na opisyal ng simbahang katolika at simbolo ng kabanalan, ay inaasahang aakit ng ng milyon-milyong kristiyano mula sa ibat-ibang sulok ng bansa at maging ng mga dayuhan mula sa Asya. Kaya naman naging maagap at mahigpit ang paghahanda para dito. Asahan na nating magmimistulang malaking parking lot ang mga pangunahing kalsada sa Maynila. Sa kabila nito ang pagbuhos ng mga tao ay isang malaking oportunidad para sa mga maliliit at big time na negosyante.

Si Pope Francis bilang isang tagapag-dala ng mabuting balita ng Diyos ay may kakayahang makapagtatak ng isang inspirasyon sa mga mamamayang Pilipino. Ang kanyang mensahe ay maaaring bumuhay ng mga kaluluwa ng mga Pilipinong lugmok sa pagkatigatig mula sa samu`t-saring iskandalo ng gobyerno. Mayroon itong hindi matatawarang kakayahan upang maiangat mula sa pagkalugmok ang mga pusong naghihikahos at nababagabag mula sa mga pagdurusa at kasalanang hindi maisiwalat kanino man.

May maitutulong ba ito sa bansa? Mayroon, sapagkat ang banal na mensahe ni Pope Francis bilang kahilili ng diyos sa lupa ay may kakayahang magdala ng diwa ng pagbabago. Isang pagbabago sa kaisipan ng bawat Pilipino.

Sa pagbisita ni Pope Francis, inaasahan kong bibigyang diin niya na hindi kailanman magiging sapat ang panalangin gaano man ito kataimtim. Nais kong ipaliwanag niya sa mga minamahal kong kababayan na mahalaga ang pagkilos upang maisakatuparan ang bawat kahilingang isinasangkap natin sa bawat panalangin. Inaasahan kong ipararating niya na ang bawat tao ay pantay-pantay, ano man ang anyo, salita, kulay, at katatayuan sa buhay. Hinihiling ko rin na sana`y bigyang diin niya ang diwa ng pagkakaisa at ang kahalagahan nito para sa isang bansang nananahan sa silong ng isang mapagpalang langit.


Sunday, November 16, 2014

Transportations During The Spanish Colonization Period : Ferrocarril de Manila - Dagupan

Ferrocarril de Manila - Dagupan


Extended 120 miles long from Manila up to Dagupan Pangasinan, it was the only railway line in the archipelago during the Spanish period. It was constructed using mainly Filipino labor (Polo y Servicio Personal) 

It began operations on November 24, 1892 as the Ferrocarril de Manila-Dagupan, during the Spanish colonial period, and later becoming the Manila Railroad Company (MRR) during the American colonial period. It became the Philippine National Railways on June 20, 1946 by virtue of Republic Act No. 4156. The PNR is an agency of the Department of Transportation and Communications.


Saturday, October 25, 2014

Philippine Folk Dances: Tinikling



Ang #Tinikling ang itinuturing na pambansang sayaw ng Pilipinas ay nagmula sa Kabisayaan sa Lalawigan ng #Leyte. Iniuugnay ito sa pagdiriwang na may kinalaman sa agrikultura.

Ang pangalang Tinikling ay hango sa pangalan ng Tikling ( isang ibon na may mahabang leeg, tuka at paa) sapagkat ginagaya nito ang galaw ng nasabing ibon na kadalasang makikitang palunda-lundag at patakbo-takbo sa mga damuhan

Isinasagawa ito sa saliw ng isang makalumang tugtugin.Gamit ang dalawang piraso ng mahabang kawayan, ginagaya ng mga mananayaw ang mayumi ngunit mabilis na kilos ng ibong Tikling sa tuwing binibitag ito ng mga magsasaka.

Ang Pandesal o Spanish Salt-bread


Naimbento ito noong panahon ng Kastila at naging popular bilang isang pagkaing sa agahan o almusal.

Sinasabing ang kakulangan sa mga sangkap noong panahong `yon ang dahilan kung bakit mga payak na sangkap lang ang ginamit sa pandesal. Ito ay ang harina, itlog, mantika ng gulay, asin at kaunting asukal.

Payak din ang pamamaraan ng pag-gawa nito.Pagkatapos maiwasto ang masa, irorolyo ito sa hugis baston (babastonin) bago gagayatin sa tama at pare-parehong sukat. Ang bawat piraso ay isasawsaw o di kaya naman ay pagugulungin sa mumot ng tinapay o bread crumbs. Hahantayin muna itong umalsa bago ipasok sa pugon.

Hanggang sa ngayon popular pa rin ang pandesal sapagkat isa ito sa pinaka affordable na pagkain para sa almusal

Malaki ang ginagampanan ng pandesal sa hapag kainan ng bawat pinoy. Tila hindi kumpleto ang almusal kung sa hapag ay walang pandesal. Masarap itong kainin kasabay ng mainit na kape o gatas. Bagaman malambot, hindi maipaliwanag kung bakit gustong-gusto natin itong isawsaw sa kape.

Kasaysayan ng Alpabetong (Abakada) Filipino


Bago dumating ang mga Kastila nuong ika-16 siglo ay may sarili nang sistema ng pagsulat ang ating mga ninuno. Ang sistemang ito ay tinatawag na Baybayin (hindi Alibata) na nagmula sa salitang ugat na Baybay (spell).


Ang Baybayin ay binubuo ng  labing-apat na katinig at tatlong patinig.

Noong dumating ang mga Kastila ang baybayin ay pinalitan ng Alpabetong Romano.

Noong 1930`s binuo ni G. Lope K. Santos ( ang itinuturing na ama ng balarilang Filipino) ang isang abakada na may dalwampung (20) titik na kinabibilangan ng  limang (5) patinig at labing-limang (15) katinig na ang tunog o bigkas ay hango mula sa wikang Tagalog.

"a, b , k , d , e g, h, i l, m, n , ng, o, p, r, s, t, u, w, y."


Noong Oktubre 4, 1971, pinagtibay ng Sanggunian ng Wikang Pambansa (Komisyon sa Wikang Filipino na ngayon) ang pinagyamang alpabeto na binubuo ng 31 titik.

Ito ay ang: "a, b, c ch, d, e, f, g, h, i, j, k, l, ll, m, n, ñ,ng, o, p, q, r, rr, s, t, u, v, w, x, y, z"

Muli itong binago kaalinsabay ng pagbabago ng Pambansang Konstitusyon bilang tugon sa mabilis na pagbabago at pag-unlad ng wikang pambansa. Matapos ang mahabang serye ng sanguniang pulong o seminar nabuo ang Alpabetong Filipino na may 28 titik:
" a, b , c, d, e, f, g, h, i, j, k, l, m, n, ñ , ng, o, p, q, r, s, t, u, v, w, x, y, z."

Tuesday, October 21, 2014

Ang Kalabaw Bilang Pambansang Hayop ng Pilipinas

Kalabaw sa tubugan


Ang KALABAW ay dinala ng mga imigranteng Malay sa Pilipinas nuong 300 - 200 BC ngunit may isang uri din ng kalabaw  ang dinala ng mga dayuhang intsik sa bansa (shanghai buffalo) nuong kasagsagan ng panahon ng kastila.

Sa kasalukuyan, karamihan sa mga bagong lahi ng kalabaw ay iniluwas pa mula sa bansang Cambodia.

Malaki ang pakinabang sa kalabaw noon pa man. Bukod sa ito ang pangunahing katulong sa pagsasaka, matatandaang ito rin ang isa sa pinakaunang uri ng transportasyon sa bansa bago pa man dumating ang mga mananakop. Napagkukunan din ito ng sariwang gatas na talaga nanamang kakaiba ang taglay na sarap at sustansiya. Sinasabing ang sungay ng kalabaw ay ginamit ng mga katutubong mandirigma bilang armas at pananggalang.

Sa ngayon, ang Kalabaw ang itinuturing na pambansang hayop ng PIlipinas. Isang hindi matatawarang tatak ng lahing Pilipino. Isang malaking bahagi at pagkakakilanlan ng Kulturang Pinoy.

Kalabaw

Tuesday, August 26, 2014

Filipino: Wika ng Pagkakaisa

   Tunay nga kayang wika ng pagkakaisa ang wikang Filipino? Paano nito pinagbubuklod ang lahing Pilipino mula sa loob ng tahanan hanggang sa pamayanan?

   Simulan nating tingnan kung paano pinag-iisa ng wikang Filipino ang pamilya bilang pangunahing yunit ng pamayanan.

    Tunay na mahalaga ang pagkakaisa para sa pamilyang Pilipino na kilala sa pagiging malapit sa isat-isa. Ngunit hindi ito makakamit kung hindi nagkakaunawaan ang bawat miyembro ng pamilya. Dahil dito, kailangan ang isang wikang gagamitin sa araw-araw na pakikipagtalastasan sa loob ng tahanan upang sila ay lubos na magkaunawaan.

   Kung iisa ang wikang ginagamit sa tahanan, magiging madali para sa mga magulang ang mag-utos at magbigay ng tagubilin at madali rin para sa mga anak ang sundin ito sapagkat sila ay lubos na nagkakaunawaan. At kung sila ay nagkakaunawaan matatawag silang buo at isang pamilya na sama-samang humaharap sa mga hamon ng buhay.

   Sa pamamagitan ng wika, naipapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kulturang minana pa nila mula sa kanilang mga ninuno. Gamit ang wika inihahanda ng mga magulang ang kanilang mga supling sa pakikisalamuha sa pamayanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mabubuting asal at kaaya-ayang gawi.

   Alam natin na hinndi lang sa tahanan natututunan ang mga mabubuting asal. Natututunan din ito sa paaralan at sa simbahan.

   Ang simbahan bilang banal na institusyon ay nagtuturo ng kabutihang asal, pagpapahalaga at kabanalan sa bawat kasapi nito. Gamit ang wikang Filipino itinuturo sa atin ng simbahan ang pagpapahalaga sa sarili at sa kapuwa bilang indibidwal na pantay-pantay sa paningin ng Diyos maging ano pa man ang katayuan natin sa lipunan. Gamit ang wikang Filipino na siyang nauunawaan ng lahat, ginagabayan nila tayo tungo sa pagkakaisa sa bawat panahon.

   Sa labas naman ng simbahan at tahanan ay ang pamayanan na binubuo ng iba`t ibang sektor na ang pangunahing layunin ay ang kaunlaran ng mga mamayan at ng bansa.

   Upang makamit ito, kailangan ng isang wikang nauunawaan ng publiko at iyon ay ang wikang Filipino. Ginagamit ang wikang Filipino sa mga midya tulad ng radyo, tele-bisyon, pahayagan, at internet. Gamit naman ang midya, hinihikayat ang lahat na makiisa sa mga programang pang kaunlaran at makialam sa mga usapin ng pamahalaan.

Minsan nang ginamit ang wikang pambansa upang udyukan ang mga mamamayang Pilipino na magkaisa sa pagpigil sa lumalalim na pag-abuso ng isang pangulo sa kanyang kapangyarihan.

   Sa makatuwid, malaki ang ginagampanan ng wikang Filipino upang makamit ang pagkakaisa sa loob ng tahanan, sa simbahan, at pamayanan. Ginagamit ito upang magkaunawaan ang bawat isa at kung lubos na nagkakaunawaan ang lahat, hindi imposible ang pagkakaisa tungo sa pagsulong sa iba`t ibang aspeto ng buhay.

  - Lawrence Avillano (buwan ng wika 2014 - Filipino: Wika ng Pagkakaisa)



Friday, November 15, 2013

Ngiting Pinoy - Bangon Pililipinas (help Philippines, help Haiyan Victims)


        Malalakas na bagyo, hagupit ng habagat, pagbaha, mataas na presyo ng bigas, petrolyo ay iba pang bilihin, digmaan sa Mindanao, at ang isyu ng Pork Barell. Ilan lamang yan sa mga pagsubok na kasalukuyang hinaharap natin sa ngayon.
       Habang pinanunuod ko ang mga balita, talaga namang nakaramdam ako ng matinding habag para sa mga kababayan nating dumadanas ng matinding pagsubok ng panahon at hamon ng kalikasan. Kalunos-lunos ang itsura ng mga nasunugan sa Tondo, mga kababayang naipit sa kaguluhn sa Zamboanga, mga binagyo sa Aurora at Northern Luzon, mga taga Visaya na nakaranas ng hagupit ni Yolanda ( pinaka malakas na bagyo na naitala sa kasaysayan) at mga magsasakang nasira na nga ang pananim ay ginamit pa upang mahut-hot ang perang nakalaan sana para sa ikau-unlad ng industriya ng agrikultura
       Sa lahat ng mga pangyayaring ito, halos wala nang direksyon ang kasalukuyang galaw na ating bansa. Isang bansang may ekonomiyang dinaig pa ang two-step forward one-step backward na galaw ng pamosong Sinulog. Patuloy na pinupukpok pababa ang halaga ng piso kontra dolyar samantalang sumisirit pataas ang lahat ng mga bayarin. Ang mga lupang sakahan ay patuloy na tinatahuban at ginagawang subdibisyon o kung hindi naman ay nagiging parking lot ng mga Mall. Sakahang mag-aambag sana ng tonelada ng bigas na ngayon ay inaangkat na natin sa ibang bansa. Patuloy na pagtaas ng matrikula sa mga paaralan at bumababang bilang ng mga mag-aaral. Mababa ang sweldo at may malawakang kakulangan ng trabaho samantalang patuloy na lumulobo ang populasyon. Ibat-ibang isyung pampulitika at marami pang iba.
       Ngunit sadya nga yatang masayahin tayong mga pinoy. Ilan sa mga na-interview ng  mga mamamahayag ay nakangiti pa rin o kaya`y nakuha pang tumawa sa tindi ng dinaranas na pagsubok. Lubha talagang napakababaw ng kaligayahan at may positibonng pananaw sa buhay. Ano man ang mangyari babangon at babangon pa rin mula sa pagkakalugmok. Dahil habang may buhay, may pag-asa. Kaya naman masasabi ninuman na tunay at dalisay ang ngiting Pinoy. Ngiting bahagi na ng Kulturang Noypi
      Sana po ay patuloy tayong mag-abot ng tulong sa mga kababayan nating nanganga-ilangan. Ipagdasal po natin sila na kayanin at mlagpasan ang mga pagsubok sa kanilang buhay.  #helpPh #helpHaiyanVictims #donate

Wag sana nating kalimutan ang pagiging matulungin