Friday, November 15, 2013

Ngiting Pinoy - Bangon Pililipinas (help Philippines, help Haiyan Victims)


        Malalakas na bagyo, hagupit ng habagat, pagbaha, mataas na presyo ng bigas, petrolyo ay iba pang bilihin, digmaan sa Mindanao, at ang isyu ng Pork Barell. Ilan lamang yan sa mga pagsubok na kasalukuyang hinaharap natin sa ngayon.
       Habang pinanunuod ko ang mga balita, talaga namang nakaramdam ako ng matinding habag para sa mga kababayan nating dumadanas ng matinding pagsubok ng panahon at hamon ng kalikasan. Kalunos-lunos ang itsura ng mga nasunugan sa Tondo, mga kababayang naipit sa kaguluhn sa Zamboanga, mga binagyo sa Aurora at Northern Luzon, mga taga Visaya na nakaranas ng hagupit ni Yolanda ( pinaka malakas na bagyo na naitala sa kasaysayan) at mga magsasakang nasira na nga ang pananim ay ginamit pa upang mahut-hot ang perang nakalaan sana para sa ikau-unlad ng industriya ng agrikultura
       Sa lahat ng mga pangyayaring ito, halos wala nang direksyon ang kasalukuyang galaw na ating bansa. Isang bansang may ekonomiyang dinaig pa ang two-step forward one-step backward na galaw ng pamosong Sinulog. Patuloy na pinupukpok pababa ang halaga ng piso kontra dolyar samantalang sumisirit pataas ang lahat ng mga bayarin. Ang mga lupang sakahan ay patuloy na tinatahuban at ginagawang subdibisyon o kung hindi naman ay nagiging parking lot ng mga Mall. Sakahang mag-aambag sana ng tonelada ng bigas na ngayon ay inaangkat na natin sa ibang bansa. Patuloy na pagtaas ng matrikula sa mga paaralan at bumababang bilang ng mga mag-aaral. Mababa ang sweldo at may malawakang kakulangan ng trabaho samantalang patuloy na lumulobo ang populasyon. Ibat-ibang isyung pampulitika at marami pang iba.
       Ngunit sadya nga yatang masayahin tayong mga pinoy. Ilan sa mga na-interview ng  mga mamamahayag ay nakangiti pa rin o kaya`y nakuha pang tumawa sa tindi ng dinaranas na pagsubok. Lubha talagang napakababaw ng kaligayahan at may positibonng pananaw sa buhay. Ano man ang mangyari babangon at babangon pa rin mula sa pagkakalugmok. Dahil habang may buhay, may pag-asa. Kaya naman masasabi ninuman na tunay at dalisay ang ngiting Pinoy. Ngiting bahagi na ng Kulturang Noypi
      Sana po ay patuloy tayong mag-abot ng tulong sa mga kababayan nating nanganga-ilangan. Ipagdasal po natin sila na kayanin at mlagpasan ang mga pagsubok sa kanilang buhay.  #helpPh #helpHaiyanVictims #donate

Wag sana nating kalimutan ang pagiging matulungin