Mga Puntod sa Sementeryo |
Ano ang Undas?
Ang araw ng Undas, isang natatanging araw na inilaan para sa mga namayapa nating mahal sa buhay. Ito ay nagaganap tuwing ika-1 ng Nobyembre taun-taon. Araw na itinakda bilang pista opisyal, kaya naman lahat ay nabigyan ng pagkakataon na makibahagi.
Ang Undas ay kilala rin bilang "Todos Los Santos" sa kastila o "All Saints Day" sa English.Ito ay isa nang matandang tradisyon ng mga Katoliko Romano kung saan inaalala ang lahat ng santo sa unang Linggo pagkatapos ng Petekostes.
Iiisa ang layunin ng Undas saan mang dako ng daigdig. Ito ay upang alalahanin ang mga namayapang mahal natin sa buhay. Sa panahon ng Undas inaalala rin at binibigyang pugay ang mga santo ng simbahang Katoliko Romano. Ang Undas ito ay isang tradisyong inampon mula sa mga Kastila dala ng relihiyong Krisiyano ngunit ito ay isa nang tradisyon na naging bahagi na ng Kulturang Pilipino.
Pinagmulan ng Salitang Undas.
Ang salitang Undas ay nagmula sa salitang "Honras", isang salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay pagpupugay o pagbibigay galang. Sa salitang kastila ang titik "h" ay walang tunog kung kaya ang bigkas ya maririnig bilang "Onras".
Likas sa mga Pilipino noon ang pagkakamali sa pagbigkas at pagbaybay sa mga salitang Kastila. Marahil ang salita ay naririnig ng ating mga ninuno sa mga Kastila at naipasa-pasa ang maling bigkas ng "Honras" bilang "Undas" ito rin marahil ang dahilan kung bakit sa ibang lalawigan ay binibigkas din ito bilang "Undras"
Undas sa Pilipinas Noon at Ngayon
Para sa iilan ang araw ng undas ay isang araw ng kaabalahan. Sila ay yumayaon upang maglinis at mag-ayos ng puntod ng mga namayapang mahal sa buhay. Ang iba naman ay itinuturing itong isang mapagpalang araw sapagkat kumikita sila ng malaki mula sa pagtitinda ng kandila, pagkain at mga bulaklak, at sa paghahatid ng mga serbisyo. Itinuturing din ito bilang isang pambihirang araw na sinasamantala ng iba upang magdaos ng kasiyahan at muling magsamasama ang pamilya.
Ngunit ano pa man ang maging tingin nila, ang araw undas ay mananatili at dapat manatili bilang isang tunay na sagradong pagdiriwang. Isang natatanging araw na nakalaan para sa ating mga namayapang kaibigan at kapamilya. Isang araw kung saan inaalala natin ang kanilang mga nagawang kabutihan, kagitingan, at pagaaruga sa atin noong sila ay nabubuhay pa. Isang araw ng mga bulaklak, kandila, pagninilay at panalangin. Isang araw ng tradisyong tatak na ng ating pagka-pilipino.