Showing posts with label tradisyon. Show all posts
Showing posts with label tradisyon. Show all posts

Monday, February 2, 2026

Bayanihan: Higit Pa sa Pagbubuhat ng Bahay

 Kapag sinabing bayanihan, kadalasang pumapasok sa isip ng mga Pilipino ang larawan ng magkakapit-bisig na mga lalaki na sama-samang nagbubuhat ng isang kubo. Ngunit ang bayanihan ay hindi lamang isang eksena sa lumang aklat o poster—ito ay isang halagang panlipunan na may malalim na ugat sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng Pilipino.

Ano ang Bayanihan?

Ang bayanihan ay nagmula sa salitang “bayan”, na tumutukoy sa komunidad. Ipinapakita nito ang kusang pagtutulungan ng mga tao upang makamit ang isang layuning makabubuti sa nakararami, nang walang inaasahang kapalit.

Noong sinaunang panahon, isinasagawa ang bayanihan sa:

  • Paglilipat ng bahay

  • Pagtatanim at pag-aani

  • Pagtatayo ng mga estruktura ng komunidad

  • Pagtulong sa mga pamilyang may pangangailangan


Bayanihan sa Panahon ng mga Ninuno

Bago dumating ang mga Espanyol, ang mga Pilipino ay namumuhay sa maliliit na pamayanan na tinatawag na barangay. Dahil limitado ang yaman at kagamitan, mahalaga ang kolektibong paggawa upang mabuhay at umunlad ang komunidad.

Ang bayanihan noon ay hindi itinuturing na “kabutihan” kundi isang responsibilidad ng bawat kasapi ng bayan.

Paano Nabago ang Bayanihan sa Panahon ng Kolonyalismo

Sa pagdating ng mga Espanyol, unti-unting nagbago ang estruktura ng pamayanan. Gayunpaman, nanatili ang diwa ng bayanihan, lalo na sa:

  • Mga gawaing pangsimbahan

  • Pista at pagdiriwang

  • Sama-samang pagtugon sa sakuna

Ang bayanihan ay napaloob sa konsepto ng pakikipagkapwa-tao, isang mahalagang pagpapahalagang Pilipino.

Bayanihan sa Makabagong Panahon

Sa kasalukuyan, bihira na ang literal na pagbubuhat ng bahay. Subalit ang diwa ng bayanihan ay makikita pa rin sa:

  • Relief operations tuwing may kalamidad

  • Community pantries

  • Boluntaryong pagtuturo at pagtulong

  • Online fundraising at donation drives

Ipinapakita nito na ang bayanihan ay nagbabago ng anyo ngunit hindi nawawala ang diwa.


Bayanihan: Halaga o Simbolo na Lamang?

May mga nagsasabi na ang bayanihan ay nagiging simbolo na lamang at hindi na aktwal na isinasabuhay. Subalit ang mga pangyayaring tulad ng pagtutulungan tuwing may bagyo o krisis ay patunay na buhay pa rin ang bayanihan, bagama’t umaangkop ito sa modernong lipunan.


Bakit Mahalaga Pa Rin ang Bayanihan Ngayon?

Ang bayanihan ay mahalaga sapagkat:

  • Pinatitibay nito ang ugnayan ng komunidad

  • Itinuturo nito ang malasakit at pananagutan

  • Pinapaalala nito na ang pag-unlad ay hindi lamang pansarili

Sa isang lipunang humaharap sa maraming hamon, ang bayanihan ay nananatiling sandigan ng pagka-Pilipino.


Ang bayanihan ay hindi lamang tradisyon ng nakaraan kundi isang buhay na pagpapahalaga. Habang nagbabago ang mundo, ang hamon sa atin ay kung paano natin patuloy na isasabuhay ang diwa ng pagtutulungan sa makabagong paraan.

Ikaw, paano mo isinasabuhay ang bayanihan sa iyong komunidad?

Monday, June 1, 2020

Ano Ang Suob o Pagsusuob?

Ang Tawas o Suob


Albularyong nagsusuob.
Ang Pagsusuob

Ang suob o pagsusuob ay tradisyunal na paraan ng panggagamot sa Pilipinas. Ito isang ritwal na isinasagawa ng isang albularyo o mananambal.

Bahagi ng kulturang Pilipino ang paniniwala sa mga elemento gaya ng lamang lupa, dwende, engkanto, tikbalang at mga nuno. Kaalinsabay ng paniniwalang ito ay ang paniniwala naman sa mga karamdamang tinatawag na bati, namatanda, usog at iba pang mga karamdaman na hindi maipaliwanag ng siyensiya.



Saan Gamot Ang Suob?


Ang mga karamdamang ito ay pinaniniwalaang dulot ng galit ng mga elementong hindi nakikita katulad ng nuno at mga dwende. Sa mga probinsiya, ang  kasabihang "Huwag turo nang turo baka manuno" ay malinaw na implikasyon ng paniniwala ng mga Pilipino sa sakit na maaring idulot ng mga elementong hindi nakikita ng mata.

Ang isang tao kapag nanuno ay madalas magpakita ng mga karamdamang biglaang nagaganap sa kanyang katawan katulad ng pamamaga ng isang bahagi ng katawan, pagkakaroon ng pasa, matinding sakit ng ulo, hindi pagkakatulog, pagpapantal, o lagnat. 

Sa pagkakaroon ng mga karamdamang dulot ng mga elemento ginagamit ang panggagamot na tinatawag na suob o kilala rin bilang tawas. Ang pagsusuob ay isang paraan upang alamin ang dahilan ng karamdaman ng isang may sakit. Kung ang sakit ay dulot ng galit, parusa o pagkatuwa ng mga elemento at lamang lupa ay makikita ito sa tawas na ginamit sa tawas na ginamit sa pagsusuob.



Paano Ginagawa Ang Suob o Pagsusuob?


Ang pagsusuob ay isinasagawa ng isang maalam na albularyo (shaman) gamit ang tawas, insenso, kamangyan at beditadong palaspas. Ang apat na sangkap na iyan ay inilalagay sa ibabaw ng nagbabagang uling. Itinatapat ang may sakit sa usok ng mga sangkap at pinauusukan ang buong katawan. Itinatapat sa  baga ang ilalim ng mga paa at palad at pinapausukan ang muka. Ito ay kasabay ng pagbigkas ng orasyon sa Latin na tanging ang albularyo lamang ang nakakaalam.Matapos ang pagpapausok, kinukuha ng albularyo ang tawas at duon tinitingnan ang dahilan ng pagkakasakit. Ang tawas ay dinudurog sa platito, pinipigaan ng kalamansi, ginagamit pang marka hugis krus sa noo, kamay paa, at mga bahagi ng katawan na sumasakit at ang iba ay ipinakakain sa may sakit.



Bakit tinatangkilik ang pagsusuob?


Maraming dahilan kung bakit tinatangkilik ang tawas o suob bilang tradisyunal na paraang ng panggagamot. Unang-una na diyan ang  kultura ng paniniwala sa mga elemento, tulad ng lamang lupa, nuno at dwende bilang dahilan ng pagkakasakit. Ang sakit ay pinaniniwalaang dulot ng galit ng mga elemento dahil sa pagsira ng isang tao sa kanilang tahanan, pananakit, o di kaya naman ay abala. Kung minsan, sinasabi rin na ang isang tao ay nakatuwaan ng mga elemento na siyang dahilan ng karamdaman.

Isa pa ang murang halaga ng pagpapagamot sa mga albularyo at mananambal. Karaniwan sa mga mananambal o albularyo ay hindi humihingi ng kabayaran sa panggamot. Sapat na sa kanila kung ano man ang makayanang i-abot sa kanila. Naniniwala ang mga albularyo na nag kanilang kakayahan ay biyaya ng Diyos at isang misyon.

Lawrence Avillano, LPT

Thursday, May 14, 2020

Sino Ang Mga Reyna Sa Santacruzan

Birheng Maria
Depiksiyon ng Birheng Maria 


Ano ang Santacruzan?


Ang Santacruzan ay isang prosisyon ng mga dilag, kung tawagin sa iba ay Sagala, na ginaganap tuwing Mayo sa buong Pilipinas. Ito ay bahagi ng debosyonal na Flores De Maria o Flores De Mayo dahil ang buwan ng Mayo ay buwan na dedikado sa Birheng Maria.

Katulad ng Tibag, ang Santacruzan ay isang prosisyon ng pag-gunita sa pagkahanap ni Reyna Elena sa Banal na Krus at sa kanyang anak na si Emperador Constatino sa Jerusalem at maibalik nito sa Roma.

Ang Santacruzan, bagaman isang tradisyon na ipinakilala ng mga Kastila, ay buong pusong tinanggap ng mga Pilipino at ngayon nga ay bahagi na ng sariling atin.


Ano ang Pangalan ng Mga Reyna sa Santacruzan?

  1. Reyna Abogada - ang tagapagtanggol ng mahihirap at inaapi. Nakasuot siya ng itim na graduation cap (toga) at gown at may dala siyang malaking libro.
  2. Reyna Banderada - isang dilag na nakasuot ng mahabang pulang gown na may dalang dilaw na tatsulok na bandila. Kinakatawan niya ang pagdating ng Kristiyanismo.
  3. Reyna De Las Propetas - Dilag na may dalang orasan
  4. Reyna De Las Estrellas - Reyna ng mga bituin. Karaniwang may dalang wand na may bituin.
  5. Reyna Del Cielo - Reyna ng Kalangitan. May dalang mga bulaklak at may kasamang dalwang anghel
  6. Reyna De Las Flores - Reyna ng mga bulaklak
  7. Reyna De Las Virgenes - Reyna ng mga birhen. May Dalang Rosario at may agapay na dalwang anghel
  8. Reyna Paz - Reyna ng kapayapaan. Nagdadala ng simbulo ng kapayapaan
  9. Reyna Elena (Queen Helena) - ang maalamat na tagapagtatag ng tunay na Krus, na kinakatawan ng maliit na krus na hawak niya sa kanyang mga kamay.
  10. Reyna Esther - ang biblikal na Hudyo na nagligtas sa kanyang mga kababayan mula sa kamatayan at pagkawasak sa pamamagitan ng napapanahong interbensyon sa Haring Xerxes. May dala siyang isang setro.
  11. Reyna Judith - kumakatawan kay Judith ng Pethulia na nagligtas sa kanyang lungsod mula sa mga Asiryano (Assyrians) maatapos niyang pugutan ng ulo ang malupit na holofern. Bitbit niya ang ulo sa isang kamay at isang tabak sa kabila.
  12. Reyna Justicia - isang personipikasyon ng "salamin ng katarungan". May dala siyang timbangan at tabak.
  13. Reyna Sentenciada - dilag na ang kamay ay nagagapos ng lubid. Siya ang simbolo ng mga walang kasalanan na nahatulan. Inaagapayan siya ng dalawang sundalong Romano.
  14. Reyna Sheba - Ang Reyna na dumalaw kay Haring Solomon na may labis na labis na karunungan, kapangyarihan at kayamanan. May dala siyang isang kahon ng alahas
  15. Si Reyna Fe - sumisimbolo sa birtud ng pananampalataya - ang una sa mga kagalingan sa teolohiko. May dala siyang krus.Reyna Caridad - sumisimbolo sa birtud ng kawanggawa - ang pangatlong kagalingan sa teolohiya. Nagdadala siya ng isang pulang puso.
  16. Reyna Mora - kumakatawan sa nangingibabaw na relihiyon bago ang Kristiyanismo (nakadamit pambabae ng Moro mula sa relihiyong Muslim).Reyna Esperanza - sumisimbolo ng birtud ng pag-asa - ang pangalawang teolohikal na kagalingan. May dala siyang angkla.


Sino ang iba pang tauhan sa Santacruzan?

  1. Metuselah - isang matandang may edad na nakasakay sa isang karo. May dala siyang sisidlan ng alabok bilang paalala na ang lahat ay sa alabok nanggaling at sa alabok din babalik.
  2. Mga Ita/katutubo - kumakatawan sa kalagayan ng bansa bago dumating ang mga Kastila
  3. Samaritana - ang babaeng nakausap ni Kristo malapit sa isang balon. May dala siyang banga sa kanyang balikat
  4. Veronica - Ang babaeng nagpunas sa muka ni Hesus. May dala siyang bandana
  5. Maria Magdalena - ang naghugas sa paa ni Hesus. may dala siyang bote ng pabango
  6. Maria Ina ni Santiago (James) - May dala siyang bote ng langis na pamahid
  7. Maria Ina ni Hesus - Birheng Maria
  8. Walong Anghel - May dala silang mga tig-iisang titik na bumubuo sa salitang AVE MARIA kapag binasa.
  9. Divina Pastora - may dalang tungkod pamastol
  10. Rosa Mystica - May bitbit na palumpon ng mga bulaklak

Sino-sino ang mga Marian?


Ang mga Marian ang mga titulo o katawagan sa Birheng Marya.

  1. AVE MARIA - walong anghel
  2. Divina Pastora - Banal na Pastola
  3. Reyna De Las Estrellas - Reyna ng mga Bituin
  4. Rosa Mystica -
  5. Reyna Paz - Reyna ng Kapayapaan
  6. Reyna De Las Propetas' - Reyna ng mga Propeta
  7. Reyna Del Cielo - Reyna ng Kalangitan
  8. Reyna De Las Virgenes - Reyna ng mga Birhen
  9. Reyna De Las Flores - Reyna ng mga Bulaklak
Lawrence Avillano 2020

Saturday, September 9, 2017

Tuli sa Pukpok ang Tradisyonal na Pamamaraan ng Pagtutuli sa Pilipinas

 Maikling Paglalahad Patungkol sa Pagtutuli


Hindi malinaw ang  kasaysayan ng pagtutuli sa Pilipinas. Walang mainam na pagtatala kung kailan nagsimula ang pagtuli sa mga kalalakihang Pilipino. Hanggang ngayon ay isa pa ring katanungan para sa akin kung ang mga Pilipino ba ay tinutuli na bago pa dumating ang mga dayuhan o ito ay minana na natin sa kanila.

   
Isa lang ang malinaw. Ang tradisyon ng pagtutuli sa Pilipinas ay bahagi na ng kulturang Pilipino. Ang pagtutuli ay itinuturing na "rite of passage" o isang seremonya ng pagpalit katauhan o pagdaraan mula sa pagiging bata patungo sa pagiging binata na. Ang pagiging tuli ay isang simbulo ng pagiging ganap na lalaki. Ito ang dahilan kung bakit ito ay tanggap at niyakap ng buo sa lahat ng dibisyong kultural at mga tribo sa bansa.


Kailan Dapat Tulian ang Isang Lalaki


Ang isang batang lalaki ay tinutulian kapag ang balat sa dulo (foreskin) ng kanyang pagkalalaki o ari ay "tampos" na. Ang palatandaan nito ay ang pagluwag ng balat sa dulo ng ari. Nagaganap ito sa edad na walo (8) hanggang labing-dalwa (12). Ngunit sa mga mabagal ang maturation ay inaabot ng hanggang labing-anim (16). Madalas na isinasabay ang seremonya ng pagtutuli sa tuwing mahal na araw, sa Santo o Sabado de Gloria, mga araw ng mahabang bakasyon sa eskwela.

Paano Isinasagawa ang Tradisyunal na Pagtutuli sa Pukpok


Bago tuliin, hinahayaan muna na magbabad sa tubig ang magpapatuli, maaring sa dagat o ilog. Ito ay upang mababad at lumambot ang balat sa dulo ng ari (foreskin). Kapag handa na kailangan ng pumila ng magpapatuli kasama ng ibang kabataan sapagkat karaniwang grupuhan kung isagawa ito. Kailangang dala nila ang mga sumusunod:

1. Putpot o Pamutpot at panali - Ito ay isang parisukat na  malinis na tela na may butas sa gitna. Ito ay ang siyang ipinangbabalot sa ari na bagong tuli

2. Dahon ng bayabas

3. Isan kaha ng sigarilyo

Samantala ang mga magtutuli ay naghahanda naman ng mga gamit sa pagtutuli kabilang na ang mga sumusunod;

1. Lukaw - isang pakawil na kahoy na may pinanipis na dulo  at nakatusok ang kabilang dulo sa lupa
2. Labaha o kutsilyo
3. Kahoy na pampatok o pamukpok

Kapag handa na ang tutulian,  siya ay panguguyain ng dahon ng bayabas, luluhod sa harap ng lukaw upang maipasok ang kawil sa pagitan ng ulo ng ari at ng fore skin.

Kung naabot na ang lahat ng balat na tampos ay hihiwain na ito, ang foreskin, sa pamamagitan ng pagtuon at pagpukpok ng matalim na labaha mula sa dulo hanggang sa puno ng balat na tampos sa ari ng tinutuli. Karaniwang tumatagal ito ng tatlo (3) hanggang anim (6) na pukpok depende sa kundisyon ng balat ng tinutulian.

Matapos na mahiwa ang balat. Nilalagay dito ang dahon ng bayabas na nginuya ng tinulian. Pagkatapos ay isinusuot ang ulo ng ari sa butas ng pamutpot at itinatali ang bawat kanto ng pamutpot sa puno ng ari.

Ano ang Dapat Gawin Pagkatapos Tulian.


Matapos tulian, ang sugat ng pagkatuli ay naghihilom sa loob ng dalwang linggo hanggang isang buwan. Sa mga panahong ito ang sugat ay dapat linisin sa pamamagitan ng araw-araw na paglalanggas gamit ang pinakuluang dahon ng bayabas. Maari ring gumamit ng Aqua Oksihenada at Mertayolet. Maari rin itong budburan ng dinurog na Penicilin upang masmapadali ang paghilom.

Sa ibang lalawigan, gumagamit sila ng kinudkod na bao ng niyog bilang pamalit sa mga gamot na nabibili sa butika. Ang alabok ng kinudkod na bao ay ibinubudbod sa sugat lalo na kung ito ay namanaga o nangangamatis.


Dapat tandaan na dapat ay nasa husay na ang pagkatampos sa araw ng pagtutuli. Kung hindi pa matured ang pagkatampos ito ay magreresulta sa pagiging "Tuling Hangin" at bumabalik sa pagiging supot ng tinulian.

May alam ka pa bang ibang paraan ng pagtutuli sa Pilipinas?
Maari kang magkomento at ibahagi ang iyong kwento, karanasan o katanungan tungkol sa pagtutuli.

Thursday, October 31, 2013

Undas

Mga Puntod sa Sementeryo
Mga Puntod sa Sementeryo


Ano ang Undas?   


Ang araw ng Undas, isang natatanging araw na inilaan para sa mga namayapa nating mahal sa buhay. Ito ay nagaganap tuwing ika-1 ng Nobyembre taun-taon. Araw na itinakda bilang pista opisyal, kaya naman lahat ay nabigyan ng pagkakataon na makibahagi.

Ang Undas ay kilala rin bilang "Todos Los Santos" sa kastila o "All Saints Day" sa English.Ito ay isa nang matandang tradisyon ng mga Katoliko Romano kung saan inaalala ang lahat ng santo sa unang Linggo pagkatapos ng Petekostes.

Iiisa ang layunin ng Undas saan mang dako ng daigdig. Ito ay upang alalahanin ang mga namayapang mahal natin sa buhay. Sa panahon ng Undas inaalala rin at binibigyang pugay ang mga santo ng simbahang Katoliko Romano. Ang Undas ito ay isang tradisyong inampon mula sa mga Kastila dala ng relihiyong Krisiyano ngunit ito ay  isa nang tradisyon na naging bahagi na ng Kulturang Pilipino.






Pinagmulan ng Salitang Undas.


Ang salitang Undas ay nagmula sa salitang "Honras", isang salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay pagpupugay o pagbibigay galang. Sa salitang kastila ang titik "h" ay walang tunog kung kaya ang bigkas ya maririnig bilang "Onras".

Likas sa mga Pilipino noon ang pagkakamali sa pagbigkas  at pagbaybay sa  mga salitang Kastila. Marahil ang salita ay naririnig ng ating mga ninuno sa mga Kastila at naipasa-pasa ang maling bigkas ng "Honras" bilang "Undas" ito rin marahil ang dahilan kung bakit sa ibang lalawigan ay binibigkas din ito bilang "Undras"


Undas sa Pilipinas Noon at Ngayon


   Para sa iilan ang araw ng undas ay isang araw ng kaabalahan. Sila ay yumayaon upang maglinis at mag-ayos ng puntod ng mga namayapang mahal sa buhay. Ang iba naman ay itinuturing itong isang mapagpalang araw sapagkat kumikita sila ng malaki mula sa pagtitinda ng kandila, pagkain at mga bulaklak, at sa paghahatid ng mga serbisyo. Itinuturing din ito bilang isang pambihirang araw na sinasamantala ng iba upang magdaos ng kasiyahan at muling magsamasama ang pamilya.

   Ngunit ano pa man ang maging tingin nila, ang araw undas ay mananatili at dapat manatili bilang isang tunay na  sagradong pagdiriwang. Isang natatanging araw na nakalaan para sa  ating mga namayapang kaibigan at kapamilya. Isang araw kung saan inaalala natin ang kanilang mga nagawang kabutihan, kagitingan, at pagaaruga sa atin noong sila ay nabubuhay pa. Isang araw ng mga bulaklak, kandila, pagninilay at panalangin. Isang araw ng tradisyong tatak na  ng ating pagka-pilipino.

ANG MGA PINOY AT ANG MGA PAMAHIIN

   Bilang isang pinoy, hindi na iba sa atin ang paniniwala sa mga pamahiing minana pa natin sa ating mga ninuno. Ngunit totoo nga kaya ang mga pamahiing ito? Kailangan ba talaga itong paniwalaan at isabuhay? Ano ang epekto nito sa ayung pamumuhay? Ano-ano ang mga pamahiing Pilipino?

pamahiin sa itim na pusa
Itim na Pusa sa Daan

Pamahiin sa Itim na Pusa


   Isa sa mga pangunahing pmahiin na madalas nating marinig ay ang tungkol sa itim na pusa. Ayon sa sabi-sabi, huwag ka na daw tumuloy kung saka-sakaling may nakaharang o kaya`y tumawid na itim na pusa sa daan. Maari daw malasin ka o mgakaroon ng hindi magandang kahihinatnan ang iyong lakad. Ang pamahiing ito ay hind pinaniniwalaan ng marami. Sapagkat ang pagsunod sa pamahiing ito ay magdudulot ng malaking kaabalahan sa isang gawaing dapat natingg gampanan. Isipin na lamang na hindi tayo papasok sa trabaho o eskwela ng dahil lamang sa pusang nakaharang o tumawid sa ating daraanan. Maari itong maging katawa-tawa at hindi katanggap-tanggap para sa ilan, lalo na sa mga banyaga.

Pamahiin sa pagwawalis
Pamahiin sa Pagwawalis


Bakit Bawal Magwalis sa Gabi


   Sa mga pamahiing ito, may ilan din namang kapani-paniwala at may lohikal at siyentipikong kapaliwanagan. Isa ditto ay ang pamahiin tunngkol sa pagwawalis tuwing gabi. Isang gawaing napakasama para sa sinaunang matatanda. Maari mawalis o maitaboy ang suerte palabas ng tahanan. Kung paka-iisipin, maaring totoo nga ito. Isipin na lamang na may isang mahalagang bagay na nahulog sa sahig at mawalis natin ito. Hindi na natin iyon makikita kung sakaling kailanganin na natin nag bagay na iyon.





Isa pang pamahiin ng mga Pilipino sa pagwawalis ay ang direksiyon ng pagtataboy ng kalat kung nagwawalis sa loob ng bahay. Sa tuwing nagwawalis, huwag itataboy ang kalat papunta sa labas ng bahay lalong lalo na sa papunta sa direksiyon ng pinto. Naitataboy daw ang suerte o biyaya kapag palabas sa bahay ang direksiyon ng pagwawalis. Dapat ang pagwawalis ay magmumula sa pinto papunta sa gitna ng sala o kwarto. Sa ganong direksiyon  ang suerte at maiipon sa gitna at magiging makapakipakinabang para sa tao at sa tahanan.

Bakit may mga Pamahiin


   Kung ang  ating mga ninuno man ay gumawa at nagpasimuno ng mga pamahiing iyan, marahil ay may malalim silang layunin o kaya`y kinatha nila ang mga ito upang gabayan tayo at ang mga susunod pang henerasyon. Kapani-paniwala man o hindi ang isang pamahiin ang mga ito ay naging isang tatak na ng pagkakakilanlan ng kulturang Pilipino.