Ang Tawas o Suob
Ang suob o pagsusuob ay tradisyunal na paraan ng panggagamot sa Pilipinas. Ito isang ritwal na isinasagawa ng isang albularyo o mananambal.
Bahagi ng kulturang Pilipino ang paniniwala sa mga elemento gaya ng lamang lupa, dwende, engkanto, tikbalang at mga nuno. Kaalinsabay ng paniniwalang ito ay ang paniniwala naman sa mga karamdamang tinatawag na bati, namatanda, usog at iba pang mga karamdaman na hindi maipaliwanag ng siyensiya.
Saan Gamot Ang Suob?
Ang mga karamdamang ito ay pinaniniwalaang dulot ng galit ng mga elementong hindi nakikita katulad ng nuno at mga dwende. Sa mga probinsiya, ang kasabihang "Huwag turo nang turo baka manuno" ay malinaw na implikasyon ng paniniwala ng mga Pilipino sa sakit na maaring idulot ng mga elementong hindi nakikita ng mata.
Ang isang tao kapag nanuno ay madalas magpakita ng mga karamdamang biglaang nagaganap sa kanyang katawan katulad ng pamamaga ng isang bahagi ng katawan, pagkakaroon ng pasa, matinding sakit ng ulo, hindi pagkakatulog, pagpapantal, o lagnat.
Sa pagkakaroon ng mga karamdamang dulot ng mga elemento ginagamit ang panggagamot na tinatawag na suob o kilala rin bilang tawas. Ang pagsusuob ay isang paraan upang alamin ang dahilan ng karamdaman ng isang may sakit. Kung ang sakit ay dulot ng galit, parusa o pagkatuwa ng mga elemento at lamang lupa ay makikita ito sa tawas na ginamit sa tawas na ginamit sa pagsusuob.
Paano Ginagawa Ang Suob o Pagsusuob?
Ang pagsusuob ay isinasagawa ng isang maalam na albularyo (shaman) gamit ang tawas, insenso, kamangyan at beditadong palaspas. Ang apat na sangkap na iyan ay inilalagay sa ibabaw ng nagbabagang uling. Itinatapat ang may sakit sa usok ng mga sangkap at pinauusukan ang buong katawan. Itinatapat sa baga ang ilalim ng mga paa at palad at pinapausukan ang muka. Ito ay kasabay ng pagbigkas ng orasyon sa Latin na tanging ang albularyo lamang ang nakakaalam.Matapos ang pagpapausok, kinukuha ng albularyo ang tawas at duon tinitingnan ang dahilan ng pagkakasakit. Ang tawas ay dinudurog sa platito, pinipigaan ng kalamansi, ginagamit pang marka hugis krus sa noo, kamay paa, at mga bahagi ng katawan na sumasakit at ang iba ay ipinakakain sa may sakit.
Bakit tinatangkilik ang pagsusuob?
Maraming dahilan kung bakit tinatangkilik ang tawas o suob bilang tradisyunal na paraang ng panggagamot. Unang-una na diyan ang kultura ng paniniwala sa mga elemento, tulad ng lamang lupa, nuno at dwende bilang dahilan ng pagkakasakit. Ang sakit ay pinaniniwalaang dulot ng galit ng mga elemento dahil sa pagsira ng isang tao sa kanilang tahanan, pananakit, o di kaya naman ay abala. Kung minsan, sinasabi rin na ang isang tao ay nakatuwaan ng mga elemento na siyang dahilan ng karamdaman.
Isa pa ang murang halaga ng pagpapagamot sa mga albularyo at mananambal. Karaniwan sa mga mananambal o albularyo ay hindi humihingi ng kabayaran sa panggamot. Sapat na sa kanila kung ano man ang makayanang i-abot sa kanila. Naniniwala ang mga albularyo na nag kanilang kakayahan ay biyaya ng Diyos at isang misyon.
Lawrence Avillano, LPT
No comments:
Post a Comment