Maikling Paglalahad Patungkol sa Pagtutuli
Hindi malinaw ang kasaysayan ng pagtutuli sa Pilipinas. Walang mainam na pagtatala kung kailan nagsimula ang pagtuli sa mga kalalakihang Pilipino. Hanggang ngayon ay isa pa ring katanungan para sa akin kung ang mga Pilipino ba ay tinutuli na bago pa dumating ang mga dayuhan o ito ay minana na natin sa kanila.
Isa lang ang malinaw. Ang tradisyon ng pagtutuli sa Pilipinas ay bahagi na ng kulturang Pilipino. Ang pagtutuli ay itinuturing na "rite of passage" o isang seremonya ng pagpalit katauhan o pagdaraan mula sa pagiging bata patungo sa pagiging binata na. Ang pagiging tuli ay isang simbulo ng pagiging ganap na lalaki. Ito ang dahilan kung bakit ito ay tanggap at niyakap ng buo sa lahat ng dibisyong kultural at mga tribo sa bansa.
Kailan Dapat Tulian ang Isang Lalaki
Ang isang batang lalaki ay tinutulian kapag ang balat sa dulo (foreskin) ng kanyang pagkalalaki o ari ay "tampos" na. Ang palatandaan nito ay ang pagluwag ng balat sa dulo ng ari. Nagaganap ito sa edad na walo (8) hanggang labing-dalwa (12). Ngunit sa mga mabagal ang maturation ay inaabot ng hanggang labing-anim (16). Madalas na isinasabay ang seremonya ng pagtutuli sa tuwing mahal na araw, sa Santo o Sabado de Gloria, mga araw ng mahabang bakasyon sa eskwela.
Paano Isinasagawa ang Tradisyunal na Pagtutuli sa Pukpok
Bago tuliin, hinahayaan muna na magbabad sa tubig ang magpapatuli, maaring sa dagat o ilog. Ito ay upang mababad at lumambot ang balat sa dulo ng ari (foreskin). Kapag handa na kailangan ng pumila ng magpapatuli kasama ng ibang kabataan sapagkat karaniwang grupuhan kung isagawa ito. Kailangang dala nila ang mga sumusunod:
1. Putpot o Pamutpot at panali - Ito ay isang parisukat na malinis na tela na may butas sa gitna. Ito ay ang siyang ipinangbabalot sa ari na bagong tuli
2. Dahon ng bayabas
3. Isan kaha ng sigarilyo
Samantala ang mga magtutuli ay naghahanda naman ng mga gamit sa pagtutuli kabilang na ang mga sumusunod;
1. Lukaw - isang pakawil na kahoy na may pinanipis na dulo at nakatusok ang kabilang dulo sa lupa
2. Labaha o kutsilyo
3. Kahoy na pampatok o pamukpok
Kapag handa na ang tutulian, siya ay panguguyain ng dahon ng bayabas, luluhod sa harap ng lukaw upang maipasok ang kawil sa pagitan ng ulo ng ari at ng fore skin.
Kung naabot na ang lahat ng balat na tampos ay hihiwain na ito, ang foreskin, sa pamamagitan ng pagtuon at pagpukpok ng matalim na labaha mula sa dulo hanggang sa puno ng balat na tampos sa ari ng tinutuli. Karaniwang tumatagal ito ng tatlo (3) hanggang anim (6) na pukpok depende sa kundisyon ng balat ng tinutulian.
Matapos na mahiwa ang balat. Nilalagay dito ang dahon ng bayabas na nginuya ng tinulian. Pagkatapos ay isinusuot ang ulo ng ari sa butas ng pamutpot at itinatali ang bawat kanto ng pamutpot sa puno ng ari.
Ano ang Dapat Gawin Pagkatapos Tulian.
Matapos tulian, ang sugat ng pagkatuli ay naghihilom sa loob ng dalwang linggo hanggang isang buwan. Sa mga panahong ito ang sugat ay dapat linisin sa pamamagitan ng araw-araw na paglalanggas gamit ang pinakuluang dahon ng bayabas. Maari ring gumamit ng Aqua Oksihenada at Mertayolet. Maari rin itong budburan ng dinurog na Penicilin upang masmapadali ang paghilom.
Sa ibang lalawigan, gumagamit sila ng kinudkod na bao ng niyog bilang pamalit sa mga gamot na nabibili sa butika. Ang alabok ng kinudkod na bao ay ibinubudbod sa sugat lalo na kung ito ay namanaga o nangangamatis.
Dapat tandaan na dapat ay nasa husay na ang pagkatampos sa araw ng pagtutuli. Kung hindi pa matured ang pagkatampos ito ay magreresulta sa pagiging "Tuling Hangin" at bumabalik sa pagiging supot ng tinulian.
May alam ka pa bang ibang paraan ng pagtutuli sa Pilipinas?
Maari kang magkomento at ibahagi ang iyong kwento, karanasan o katanungan tungkol sa pagtutuli.
Ano oras po maligo
ReplyDelete