Monday, January 12, 2015

Pope Francis sa Pilipinas: Ano Ang Dapat Asahan

Ang katatapos lamang na pista ng Poong Nazareno ay isang kaganapan na nagpapatunay sa pagiging isang bansang Kristiyano ng Pilipinas. Libo-libong deboto ang dumayo sa Quiapo at Pumila sa Grand Stand para humalik sa paa ng itim na Nazareno. Isang gawing nagpapakita ng malalim na pananampalataya sa poong manunubos.

Nitong mga nakaraang araw naging maingay sa midya ang nalalapit na pagbisita ng Papa ng Katoliko Romano sa bansa na si Pope Francis. Naging usap-usapan din ito maging sa sosiyal midya. Ngunit ano nga ba ang inaasahan natin sa pagdating ng kataas-taasang taga-pangulo ng simbahang katolika? May maitutulong ba ito sa bansa? Ano ang magagawa ng pagdalaw na ito para sa mga mamamayan? Narito ang aking palagay

Ang pagbisita ni Pope Francis, bilang pinakamataas na opisyal ng simbahang katolika at simbolo ng kabanalan, ay inaasahang aakit ng ng milyon-milyong kristiyano mula sa ibat-ibang sulok ng bansa at maging ng mga dayuhan mula sa Asya. Kaya naman naging maagap at mahigpit ang paghahanda para dito. Asahan na nating magmimistulang malaking parking lot ang mga pangunahing kalsada sa Maynila. Sa kabila nito ang pagbuhos ng mga tao ay isang malaking oportunidad para sa mga maliliit at big time na negosyante.

Si Pope Francis bilang isang tagapag-dala ng mabuting balita ng Diyos ay may kakayahang makapagtatak ng isang inspirasyon sa mga mamamayang Pilipino. Ang kanyang mensahe ay maaaring bumuhay ng mga kaluluwa ng mga Pilipinong lugmok sa pagkatigatig mula sa samu`t-saring iskandalo ng gobyerno. Mayroon itong hindi matatawarang kakayahan upang maiangat mula sa pagkalugmok ang mga pusong naghihikahos at nababagabag mula sa mga pagdurusa at kasalanang hindi maisiwalat kanino man.

May maitutulong ba ito sa bansa? Mayroon, sapagkat ang banal na mensahe ni Pope Francis bilang kahilili ng diyos sa lupa ay may kakayahang magdala ng diwa ng pagbabago. Isang pagbabago sa kaisipan ng bawat Pilipino.

Sa pagbisita ni Pope Francis, inaasahan kong bibigyang diin niya na hindi kailanman magiging sapat ang panalangin gaano man ito kataimtim. Nais kong ipaliwanag niya sa mga minamahal kong kababayan na mahalaga ang pagkilos upang maisakatuparan ang bawat kahilingang isinasangkap natin sa bawat panalangin. Inaasahan kong ipararating niya na ang bawat tao ay pantay-pantay, ano man ang anyo, salita, kulay, at katatayuan sa buhay. Hinihiling ko rin na sana`y bigyang diin niya ang diwa ng pagkakaisa at ang kahalagahan nito para sa isang bansang nananahan sa silong ng isang mapagpalang langit.


No comments:

Post a Comment