Showing posts with label kulturang pilipino. Show all posts
Showing posts with label kulturang pilipino. Show all posts

Tuesday, June 2, 2020

Kahulugan at Halimbawa ng Kultura

Ang Kahulugan ng Kultura

   
Halimbawa at kahulugan ng Kultura

Ang kahulugan ng kultura ay isang usaping pinagtatalunan ng mga dalubhasa mula sa iba`t ibang sektor ng pag-aaral. Ngunit sa antropolohiya, ang kultura ay tumutukoy sa paraan ng pamumuhay at gawi ng isang pangkat ng mga tao sa isang lugar, bayan, lalawigan o bansa. Ang kultura ay binubuo ng mga gawing panlipunan, pagkain, wika, relihiyon, musika, sining atbp na natatangi sa isang pangkat ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing ang kuktura ay nagsisilbing pagkakakilanlan.

Mga Halimbawa ng Kultura


Wika


Ang kaalaman ng isang pangkat ng tao ay maituturing na kultura. Halimbawa na lamang ay ang wika. Ang wika ay umiiral at nagiging wika kapag ito ay ginagamit at nauunawaan ng isang pangkat ng tao. Kung ang wika ay ginagamit sa malawakang antas at ginagamit nang may istandard na sistema, ito ay ganap na wika. Samantala ang wikang ginagamit ng isang maliit na pangkat ng tao sa isang lugar at walang kilalang standard ng paggamit ito ay maituturing na dayalekto o bernakular.




Mga Gawing Panlipunan


Pagmamano


Ang pagmamano ay isang halimbawa ng gawing panlipunan ng mga Pilipino na isang natatanging pagkakakilanlan ng ating pagka-pinoy. Ang pagmamano ay ang paghalik sa kamay ng mga nakatatanda. Ito ay ginagawa bilang pag-galang at pagpapapakita ng respeto sa mga magulang at nakatatanda.

Po at Opo


Ang po at opo ay mga salitang magagalang na ginagamit ng mga Pilipino, partikular ng mga Tagalog, sa pakikipag-usap sa mga nakatatanda at otoridad bilang tanda ng pag-galang at respeto.

Pagkakamay


Gawi na ng maraming Pilipino ang pagkakamay sa tuwing kumakain. Makikita ang gawing ito lalo na sa mga probinsiya at kanayunan. Ito ay hindi dahil sa kakulangan as kubyertos gaya ng kutsara at tinidor kundi dahil sa likas na nakasanayan ito ng mga Pilipino sa bukid.

Palabati


Likas sa mga Pinoy ang pagiging palabati. Madalas maririnig sa mga Pilipino ang batian at masayang kumustahan at usapan sa tuwing magkikita-kita. Ito ang dahilan kung bakit napupuna ng ibang lahi ang mga Pilipino at sinasabing maiingay.




Pagkain bilang Kultura


Ang pagkain ng isang pangkat ay maituturing din bilang isang pakakakilanlang kultural. Ang pagkakaiba ng hilig at nakasanayang pagkain ay may kinalaman sa heograpiya ng lugar at sa kabuhayan kung saan naninirahan ang isang pangkat. Kung ang mga tao ay nakatira sa malapit sa dagat, karaniwang pangingisda ang kinabubuhay ng mga tao sa lugar. Dahil dito, ang mga inihahanda nilang pagkain at espesyalidad ibat-ibang luto ng mga isda at lamang dagat.Ito rin ang dahilan kung bakit iniuugnay ang pagkain sa isang lugar. Halimbawa nito ay nag pagiging uso ng ginataan at lambanog sa Batanggas at Quezon dahil naroroon ang malalawak na mga niyogan. Dahil sa pagkakaiba-iba sa heograpiya at industriyang pang kabuhayan lumitaw ang iba`t ibang Lutuing Pilipino.


Musika bilang pagkakakilanlang Kultural


Hindi maikakakaila ang ang musika aay isang pagkakakilanlang kultural. Kung susubuking pakinggan ang mga tradisyunal na tugtugin, makikilala natin ang pagkakaiba-iba sa himig, ritmo at tekstura ng musika. May iba`t ibang instrumentong pang-musika na ginagamit ang mga pangkat ng tao na nagdadala ng pagkaka-iba. Sa Pilipinas na lamang, makikita na ang pagkakaiba sa tunog ng musika mula sa kanluranng Pilipinas at mula sa timog.




Sining Bilang Kultura


Ang sining ay isang halimbawa ng kultura. Sa Pilipinas makikita ito sa mga sining na naging industriya na sa isang bayan. Halimbawa na lamang ang husay at galing sa paguukit ng mga tao sa Paete Laguna. Ang lalawigan naman ng Rizal ay kilala sa mga magagandang kagamitan kagaya ng bag at bayong na hinabi mula sa pandan at buri


Relihiyon at Kultura


Ang relihiyon ay may malaking impluwensiya sa kultura.  Sa Pilipinas ang relihiyong kristiyano, partikular na ang Katoliko, ay may kinalaman sa tradiyon ng pista o taunang pagpapasalamat sa itinakdang santong patron para sa isang bayan o baryo. Nagdidiwang din tayo ng mga tradisyunal na pag-ganap gaya ng Santacruzan tuwing buwan ng mayo . Tuwing Semana Santa o mahal na araw mayroong isinasagawang mga mga dula-dulaan gaya ng Pasyon at Tibag.

Lawrence Avillano, LPT

Saturday, July 8, 2017

Ibat-ibang Uri ng Anting-Anting o Agimat

Mga anting-anting, agimat at kakaibang galing
Madalas nating marinig, lalo na sa matatanda, ang mga kwento tungkol sa mga taong may anting o agimat. Bukod pa roon, madalas din itong matagpuan sa mga panitikan kung saan ang mga tauhan ay nagtataglay ng kakaibang katangian at galing sa pakikipaglaban.


Ang anting o agimat ay nagbibigay ng mga hindi pangkaraniwang kakayanan. Kung hindi man kakaibang husay sa pakikipaglaban, kakayahang labanan ang sakit,  o kakayahang gumamot ang mga ito ay maari ring magdala ng swerte.  Ito ang isang dahilan kung bakit marami ang gustong magkaroon nito.

Iba-iba ang tawag sa mga ito. Depende sa kakayanan na maaring taglayin ng isang tao o depende sa pinagmulang rehiyon. Narito ang listahan ng mga anting o agimat mula sa ibat-ibang dako ng Pilipinas

Anting-anting o Agimat sa iba`t-ibang panig ng Pilipinas.


Odom ng mga Bikolano o Satagabulag  - ang taong nagtataglay ng agimat na ito ay may mkakayahang maging invissible o mahusay sa pagtatago.

 Sa Gabe o Wiga - Hindi nababasa ang nagtataglay nito kahit pa maglakad siya sa ilalim ng ulan.

 Sa Tagahupa - Ito ay ang galing sa pagpapasunod o pagaawat. Sinasabing kahit pa masidhi ang galit ng isang tao kung kakausapin ng may sa tagahupa nagiging parang tupa sa bait

Pulang Korales - isang uri ng Coral na sinasabing humihigop ng swerte kaya mapalad ang makakatagpo nito.

Karbungko - Isang uri ng batong nagliliwanag sa sa tuwing natatapat sa lugar kung saan may ginto.
Iniingatan ito ng mga ahas.

Ang batong karbungko ayon sa deskripsiyon sa mga panitikan.
Ang Batong Karbungko, isang uri ng agimat, ayon sa deskripsiyon sa mga panitikan


Agsam - isang uri ng baging na matatagpuan lamang sa mga lib-lib na lugar sa Mindanao. Ginagawa itong bracelet na may kakayahang magtaboy ng masasamang espiritu, engkanto at mga lamang lupa.

Pamako - ang may sa pamako ay nagagawang paralisahin ang mga nakakaalitan o sino man na gusto niyang paralisahin.

Pangil ng Kidlat - magtatagpuan sa mga lugar na tinamaan ng kidlat. Ang makakakuha nito ay magtataglay ng hindi matatawarang lakas ng katawan.

Mutya ng Bulak - ang mutya ng bulak ay isang maliit bato namatatagpuan sa loob ng tuyong bulak. Ang may mutya ay may kakaibang gaan ng katawan. Makikita ang husay nila sa pagakyat sa puno dahil kaya nilang tumapak kahit na sa mililiit na sanga dahil sa gaan ng katawan.

Mutya sa Palos - ang makakuha ng mutya sa palos ay may kakaibang liksi ng katawan kaya magaling silang tumakas. Gustong-gusto ito ng mgga kawatan.

Mutya ng Tawak - ito ay maliit na bato na maaring makuha mula sa lungga ng ahas o agawin mula sa ahas mismo. Hindi tatalaban ng kamandag ng ahas ang magtataglay nito

Tagaliwas - ang may sa tagaliwas ay hindi tinatamaan ng bala o ng ano pa mang bagay na maaring makapaminsala

Kabal - ang taong may sa kabal ay may makunat na balat na hindi tinatablan ng matatalaas at matutulis na bagay tulad ng itak at bala

Ilan lamang ang mga ito sa mga uri ng anting-anting o agimat ng mga Pilipino.
May kilala ka bang tao na mayroong anting-anting?
May alam ka pa bang uri nito na hindi matatagpuan sa listahan?

Thursday, June 2, 2016

Ang Oyayi o Hele at ang Kulturang Pilipino

  Ano ang Oyayi o Hele?
        
 Ang Oyayi o Hele ay katutubong awitin ng mga Pilipino. Ito ay inaawit upang patulugin ang mga bata o sanggol. Malalim ang kaugnayan nito sa kulturang Pilipino. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa Uyayi, Oyayi o Hele ay ating mapagaalaman ang kulturang marahil ay hindi bunyag sa mga modernong Pinoy. Suriin natin ang isang kilalang oyayi o hele;

        Matulog ka na bunso
        Ang ina mo ay malayo
       At hindi ka masundo
       May putik may balaho

      Sa Uyayi o Hele na ito, mapapansin natin ang isang kakatwang bagay . Ang linyang "Ang ina mo ay malayo" ay nangangahulugan na hindi ang ina ang siyang umaawit ng Hele o Oyayi. Kung gayon, nasan ang ina at sino ang naghehele sa sanggol?

     Ang sagot, MAARING ANG AMA.  Sapagkat sa kultura ng sinaunang pilipino, ang mga babae o ina ang siyang gumagawa sa bukid at nagdadala ng mga produkto upang ipagbili sa ibang lugar samantalang naiiwan ang ama sa bahay upang alagaan ang anak at bantayan ang mga alagang hayop nang sa gayon ay masmaprotektahan ito sa mababangis na hayop na gumagala.

     Pwede ring ang LOLA ng sanggol ang naghehele o umaawit ng oyayi upang patulugin ito. Hindi lingid sa ating kaalaman na noong panahon ng pananakop ng mga  Kastila sa Pilipinas ay ipinatupad ang Polo y Servicio o sapilitang pinagtatrabaho ang mga kalalakihan ng walang bayad at kung minsan ay ipinadadala pa sa malalayong lugar. Dahil dito naiiwan ang mga ina na napipilitang manilbihan sa mayayaman bilang katulong upang mapakain ang mga anak.

     Sa oyayi ding ito ay mababatid ang umiiral na klima sa Pilipinas. Sa paglalarawan ng putik at balaho o malalim na putik na nagpapahirap sa mga nagsisipaglakad. Ito ay patunay na ang Pilipinas o ang ilang bahagi nito ay madalas ulanin na nagdudulot ng mga bagay na nabanggit.

- Lawrence Avillano 2016