Sunday, October 13, 2013

Impluwensya ng Kristiyanismo sa Kulturang Pilipino


Anu-ano Ang Mga Impluwensiya ng Kristiyanismo sa Kulturang Pilipino?

        Malaki ang impluwensya ng Kristiyanismo lalung-lalo na ang simbahang Katoliko Romano sa kasulukuyang kultura ng Pilipinas. Makikita ito sa ating mga pang araw-araw na kilos at gawi. Maging ang ating mga paniniwala ay lubos na naapektuhan ng simbahan.

Banda Musico

Pagdiriwang ng Pista (Patronal Town or Barangay Fiesta)


       Ang pagdaraos ng mga kapistahan ay isang tradisyon na may malalim na impluwensyang kristiyano. Nang dumating ang mga kastila dala ang relihiyong kristiyano, malugod natin itong tinanggap. Kaalinsabay ng paglaganap ng kristiyanismo ay ang pagtatalaga ng isang santong patron para sa isang bayan o pamayanan. Para sa mga patron ay nagtalaga tayo ng isang araw ng pasasalamat at ito ay kilala bilang araw ng pista.

       Isa sa pinaka kilalang kapistahan ay ang  kapistahan ng San. Isidro Labrador ang Patron ng mga magsasaka. Ang kapistahan ay karaniwang nagaganap sa mga araw ng mayo sa ibat-ibang bayan sa mga lalawigan ng Pilipinas.

      Maibibilang sa mga tanyag na kapistahan ang Aranya`t Baluarte Festival sa Gumaca Quezon, dinarayo ito ng mga turista mula sa ibat-ibang panig ng Pilipinas at ibang bansa. Ang pinaka tampok sa pagdiriwang na ito ay ang mga magaganda at makukulay na baluarteng may ibat-ibang disenyo ng pagkaka-palamuti. Sa mga baluarteng ito isinasabit ang mga gulay, prutas, mga kakanin at maging mga alagang hayop at isda. Ang bawat laman ng mga baluarte o arko ay ibinabagsak matapos dumaan sa ilalim nito ang dibuho ng banal na Patron San Diego De Alcala. Ang kapistahan ay may diwa ng pasasalamat para sa masaganang ani.

          Ipinagdidiwang din natin ang ilang mga kapistahang may kaugnayan sa mga pangyayari sa Bibiliya. Isang halimbawa nito ay ang Moriones festival ng Marinduque kung saan, inaalala ang paghagad sa kristo. Isinasagawa ito ng mga Morion na may mga makukulay na mascara at kasuotan.

Ang Flores de Mayo

   Ang Flores De Mayo ay isang pistang alay sa Birheng Mariya na ginaganap mga araw sa buwan ng Mayo. Sa buong panahon ng Mayo isinasagawa ang mga debosyonal sa Kabana-banalang Birheng Maria gaya ng pag-usal ng Santo Rosario o Novena at iba pang pananalangin. Nagkakaroon din ng parada ng mga Reyna sa isang pag-ganap na tinatawag na Santacruzan.

Pasyon ni Hesus


Pagdaraos ng Semana Santa

        Kung meron mang mas mahalagang pagdidriwang na mai-uugnay sa Kristiyanismo, ito ay ang pagadaraos ng Mahal na Araw o Semana Santa. Isang panahon partikular sa mga araw ng Abril. Sa mga araw na yaon inaalala ang naging paghihirap ng Banal na Kristo sa Krus. Sa makatuwid ito ay ang pagbabalik tanaw sa ginawang pagtubos ni Kristo Hesus sa kasalanan ng sanlibutan. Sa panahon ng Semana Santa isinasagawa ang "Pabasa" o ang pagbasa sa Pasyon ng Mahal Na Hesus. Marami rin sa mga Pilipino ang nagpepenitensiya bilang abolusyon at pagsisisi sa mga nagawang kasalanan.


        Lubos na kasiya siya ang mga araw ng pagdiriwang ng kapistahan. Maging ito man ay pasasalamat o pag-alala ng kabayanihan ng isang Patron. Ito ay nagpapakita kung paano natin lubos na tinanggap at niyakap sa ating mga sarili ang relihiyong dinala ng mga mananakop na Kastila, ang Kristiyanismo.

Lawrence Avillano, L.P.T.