Thursday, June 2, 2016

Ang Oyayi o Hele at ang Kulturang Pilipino

  Ano ang Oyayi o Hele?
        
 Ang Oyayi o Hele ay katutubong awitin ng mga Pilipino. Ito ay inaawit upang patulugin ang mga bata o sanggol. Malalim ang kaugnayan nito sa kulturang Pilipino. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa Uyayi, Oyayi o Hele ay ating mapagaalaman ang kulturang marahil ay hindi bunyag sa mga modernong Pinoy. Suriin natin ang isang kilalang oyayi o hele;

        Matulog ka na bunso
        Ang ina mo ay malayo
       At hindi ka masundo
       May putik may balaho

      Sa Uyayi o Hele na ito, mapapansin natin ang isang kakatwang bagay . Ang linyang "Ang ina mo ay malayo" ay nangangahulugan na hindi ang ina ang siyang umaawit ng Hele o Oyayi. Kung gayon, nasan ang ina at sino ang naghehele sa sanggol?

     Ang sagot, MAARING ANG AMA.  Sapagkat sa kultura ng sinaunang pilipino, ang mga babae o ina ang siyang gumagawa sa bukid at nagdadala ng mga produkto upang ipagbili sa ibang lugar samantalang naiiwan ang ama sa bahay upang alagaan ang anak at bantayan ang mga alagang hayop nang sa gayon ay masmaprotektahan ito sa mababangis na hayop na gumagala.

     Pwede ring ang LOLA ng sanggol ang naghehele o umaawit ng oyayi upang patulugin ito. Hindi lingid sa ating kaalaman na noong panahon ng pananakop ng mga  Kastila sa Pilipinas ay ipinatupad ang Polo y Servicio o sapilitang pinagtatrabaho ang mga kalalakihan ng walang bayad at kung minsan ay ipinadadala pa sa malalayong lugar. Dahil dito naiiwan ang mga ina na napipilitang manilbihan sa mayayaman bilang katulong upang mapakain ang mga anak.

     Sa oyayi ding ito ay mababatid ang umiiral na klima sa Pilipinas. Sa paglalarawan ng putik at balaho o malalim na putik na nagpapahirap sa mga nagsisipaglakad. Ito ay patunay na ang Pilipinas o ang ilang bahagi nito ay madalas ulanin na nagdudulot ng mga bagay na nabanggit.

- Lawrence Avillano 2016

No comments:

Post a Comment