Ang wika, ayon sa maraming pagaaral, ay isa sa may pinaka-malaking ambag sa pagunlad ng isang bansa at sa patuloy nitong pagsulong kasabay ng pandaigdigang pagbabago at kaunlaran. Ito ay dahil sa ang wika ang siyang nagbubuklod sa mga kaisipang nakapagpapasulong, nakapagpapabago, at kapaki-pakinabang na ibinabahagi ng bawat isang kasasapi ng lipunan. Kung ang isang bansa ay pakikilusin ng iisang wikang nagagamit at naiintindihan ng lahat, maggiging napakadali ng pakikipag-ugnayan at hindi madaling magahis ang isang kaisipang maaring magpasiklab ng isang rebolusyon na magdadala ng kaunlaran at ginhawa sa bawat mamamayan nito.
Ngayong Agosto 2018, ang tema ng pagdiriwang ng buwan ng wika ay "Filipino; Wika ng Saliksik". Kaugnay ng mga naunang nabanggit sa lathalaing ito, ang tema ngayong taon ay isang panawagan na gamitin ang Filipino bilang wika sa mga pananaliksik o pagaaral.
Isa itong napakagandang tema na dapat pagtuunan ng mga sangay ng pamahalaan, lalung-lalo na sa sangay pang-agham at edukasyon. Kapansin-pansin na ang mga mahahalagang pagaaral na isinasagawa at inilalathala sa mga publikasyon ay karaniwan nang nasa wikang Ingles. Sa mga pamantasan naman, ang mga magaaral ay inaatasang isulat ang kanilan pagaaral o pananaliksik sa wikang Ingles.
Sa aking pananaw, maaring ang sinusunod na pandaigdigang hulwaran sa pagsulat at paglathala ng saliksik ay Ingles, ngunit ito naman ay maari nating magamit din kahit na ang saliksik ay nasa wikang Filipino. Sa ganoong paraan, maitataas ang kalidad ng datos na nakukuha sa mga tumugon sapagkat ang wikang ginamit sa pagtatanong ay nasa-wikang lubos nilang nauunawaan kung kaya ang sagot ay masmagiging malinaw at kapaki-pakinabang. Bilang bunga, ang mga katanungan na nais sagutin ng saliksik ay nasasagot ng malinaw, nakikita at nakukumpara ang mga datos mula sa mga gabay na katanungang nasagot ng tama at hindi intensyonal na hinulaan sapagkat hindi lubos na maunawaan ng tumugon ang tanong na nasa-wikang banyaga. Mula sa mga datos ay lilitaw ang makatotohanang impormasyon na mapagkukunan ng matatag kongklusyon at makapgbibigay ng mga makabuluhang tagubilin kung paano lulutasin ang mga suliraning inilatag at sinasagot ng pananaliksik.
Aaminin ko rin na maraming magiging limitasyon ang paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng saliksik. Isa na diyan ang limitadong bilang ng mga kaugnay na panitikan at pagaaral bilang tulong o katig sa pagaaral. Ito ay dahil nga sa ang mga saliksik ay nakalathala sa wikang Ingles. Magiging isang karagdagng pasanin para sa mananaliksik ang pagsasalin ng isang pagaaral mula sa Ingles patungo sa wikang Filipino. Ito ay nangangahulugan ng ilan pang-taon ng pagaaral nang mabisang pagsasaling -wika . Ngunit ang suliraning ito ay utay-utay din na matutugunan kung patuloy nating gagamitin ang Filipino sa panaliksik.
Maging ang mga soft-ware pang-estadistika ay nasawikang Ingles din. Bagaman may ginagawa ng hakbang upang tugunan ang suliraning ito, maituturing pa rin itong isang malaking balakid sa paggamit ng Filipino sa pananaliksik. Sa sitwasyong ito, malinaw na kailangang manwal na isagawa ang pagsusuri at pagtataya sa mga nakuhang datos. Isang mabigat ngunit gawaing kakayanin naman.
Sa huli, kahit pa nga nakikita ang mga suliranin sa katuparan ng panawagan ng tema sa pagdiriwang ng buwan ng wika sa taong ito ang "Filipino: Wika ng saliksik". Hindi pa rin matatawaran ang inam na maaring idulot ng paggamit ng Filipino sa pananaliksik. Ipinapanalangin ko na ang mga sangay ng pamahalaan at maging ang mga indibidwal na mananaliksik ay magbigay tugon sa temang ito para sa ikabubuti ng larangan ng pananaliksik at maipakita sa mundo na ang saliksik na nasasawikang Filipino ay hindi rin naman naiiba sa lahat. Kapaki-pakinabang, naglilinaw, nagpapasulong.
Lawrence Avillano 2018
Lawrence Avillano 2018
035C2
ReplyDeleteglucotrust
pubg mobile uc