Nuong unang panahon, sa bayan ng Pinagbuhatan sa baryo Kawalan. May isang puno ng saging na tahimik na namumuhay na mag-isa sa piling ng matatayog na mga puno ng kawayan. Araw-araw sumisikat ang araw. Gabi-gabi siyang tinatanlawan ng mga bituin maliban lang kung may buwan o di kaya naman ay may sigwang nag-aabang.
Kahit nagiisa, masaya ang buhay ng saging. Kaibigan siya ng lahat. Madalas siyang inaawitan ng mga ibong Pipit, binubulungan ni Bubuyog, hinahagkan ni Paru-paro at kakwentuhan ng mga mayayabong na puno sa paligid.
Duon umiikot ang buhay ni saging, sa luntiang parang na madalas ay basa ng hamog sa umaga at may kaaya-ayang halimuyak ng sariwang damo at bulaklak kung gabi. Sa tabi ng ilog na dinadaluyan ng mababaw na tubig na madalas lumabo sa pagtatampisaw ng mga kalabaw na nagpapahinga sa tanghali. Duon nga umiikot ang buhay ni saging, yuon nga ang kanyang daigdig.
Hanggang mangyari ang isang bagay na ni sa hinagap ay `di niya naisip na magaganap.
Isang kakatwang bagay ang sumibol sa kaibuturan ni Saging. Bagay na sa paglipas ng panahon ay patuloy na lumalaki, umuusad paibabaw hanggang sa hindi na ito kaya pang itago ng saha o ng maninipis na dahon. Sumibol nga ang puso mula sa kaibuturan ni saging.
Nagpatuloy ang puso sa pagsibol hanggang sa ito ay magkabunga. Isa, dalawa, tatlo..... hanggang sa hindi na niya mabilang pa. Napakasaya ni saging at nagpapasalamat siya sa pagsibol ng puso. Hanggang isang araw nangyari ang hindi inaasahan.
Isang estranghero ang naligaw sa parang na iyon sa gilid ng mababaw na sapa. At sa kanyang pagmamasid ay nakaagaw ng kanyang pansin ang malusog na puso ng saging. Kumuha ito ng sanga, sinungkit ang puso hanggang sa ito ay mahulog sa lupa. At dinala ng estranghero ang pinakaiingatang puso ni Saging. Magmula nuon, naging malungkutin na si Saging.
Dala ng kanyang kalungkutan nabigkas niya ang isang sumpa.
"Magiging mapait ang pusong ninakaw mo sa akin upang hindi ito pakinabangang lubos ng sinoman! Tanging ang may pagtiyatiyaga lamang na maghugas ng sumpa ang makakatikim ng mainam na lasa nito!".
At ang kanyang sumpa ay narinig ni Idiyanale ang diyos ng pagsasaka at ni Lalahon ang diyosa ng ani at isinakatuparan ang sumpang kanyang sinabi. Magmula nga nuon, naging mapait ang puso ng saging. Kailangan pa itong halabusan sa asin bago iluto upang mawala ang pait.
Lawrence Avillano