Thursday, October 31, 2013

Undas

Mga Puntod sa Sementeryo
Mga Puntod sa Sementeryo


Ano ang Undas?   


Ang araw ng Undas, isang natatanging araw na inilaan para sa mga namayapa nating mahal sa buhay. Ito ay nagaganap tuwing ika-1 ng Nobyembre taun-taon. Araw na itinakda bilang pista opisyal, kaya naman lahat ay nabigyan ng pagkakataon na makibahagi.

Ang Undas ay kilala rin bilang "Todos Los Santos" sa kastila o "All Saints Day" sa English.Ito ay isa nang matandang tradisyon ng mga Katoliko Romano kung saan inaalala ang lahat ng santo sa unang Linggo pagkatapos ng Petekostes.

Iiisa ang layunin ng Undas saan mang dako ng daigdig. Ito ay upang alalahanin ang mga namayapang mahal natin sa buhay. Sa panahon ng Undas inaalala rin at binibigyang pugay ang mga santo ng simbahang Katoliko Romano. Ang Undas ito ay isang tradisyong inampon mula sa mga Kastila dala ng relihiyong Krisiyano ngunit ito ay  isa nang tradisyon na naging bahagi na ng Kulturang Pilipino.






Pinagmulan ng Salitang Undas.


Ang salitang Undas ay nagmula sa salitang "Honras", isang salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay pagpupugay o pagbibigay galang. Sa salitang kastila ang titik "h" ay walang tunog kung kaya ang bigkas ya maririnig bilang "Onras".

Likas sa mga Pilipino noon ang pagkakamali sa pagbigkas  at pagbaybay sa  mga salitang Kastila. Marahil ang salita ay naririnig ng ating mga ninuno sa mga Kastila at naipasa-pasa ang maling bigkas ng "Honras" bilang "Undas" ito rin marahil ang dahilan kung bakit sa ibang lalawigan ay binibigkas din ito bilang "Undras"


Undas sa Pilipinas Noon at Ngayon


   Para sa iilan ang araw ng undas ay isang araw ng kaabalahan. Sila ay yumayaon upang maglinis at mag-ayos ng puntod ng mga namayapang mahal sa buhay. Ang iba naman ay itinuturing itong isang mapagpalang araw sapagkat kumikita sila ng malaki mula sa pagtitinda ng kandila, pagkain at mga bulaklak, at sa paghahatid ng mga serbisyo. Itinuturing din ito bilang isang pambihirang araw na sinasamantala ng iba upang magdaos ng kasiyahan at muling magsamasama ang pamilya.

   Ngunit ano pa man ang maging tingin nila, ang araw undas ay mananatili at dapat manatili bilang isang tunay na  sagradong pagdiriwang. Isang natatanging araw na nakalaan para sa  ating mga namayapang kaibigan at kapamilya. Isang araw kung saan inaalala natin ang kanilang mga nagawang kabutihan, kagitingan, at pagaaruga sa atin noong sila ay nabubuhay pa. Isang araw ng mga bulaklak, kandila, pagninilay at panalangin. Isang araw ng tradisyong tatak na  ng ating pagka-pilipino.

ANG MGA PINOY AT ANG MGA PAMAHIIN

   Bilang isang pinoy, hindi na iba sa atin ang paniniwala sa mga pamahiing minana pa natin sa ating mga ninuno. Ngunit totoo nga kaya ang mga pamahiing ito? Kailangan ba talaga itong paniwalaan at isabuhay? Ano ang epekto nito sa ayung pamumuhay? Ano-ano ang mga pamahiing Pilipino?

pamahiin sa itim na pusa
Itim na Pusa sa Daan

Pamahiin sa Itim na Pusa


   Isa sa mga pangunahing pmahiin na madalas nating marinig ay ang tungkol sa itim na pusa. Ayon sa sabi-sabi, huwag ka na daw tumuloy kung saka-sakaling may nakaharang o kaya`y tumawid na itim na pusa sa daan. Maari daw malasin ka o mgakaroon ng hindi magandang kahihinatnan ang iyong lakad. Ang pamahiing ito ay hind pinaniniwalaan ng marami. Sapagkat ang pagsunod sa pamahiing ito ay magdudulot ng malaking kaabalahan sa isang gawaing dapat natingg gampanan. Isipin na lamang na hindi tayo papasok sa trabaho o eskwela ng dahil lamang sa pusang nakaharang o tumawid sa ating daraanan. Maari itong maging katawa-tawa at hindi katanggap-tanggap para sa ilan, lalo na sa mga banyaga.

Pamahiin sa pagwawalis
Pamahiin sa Pagwawalis


Bakit Bawal Magwalis sa Gabi


   Sa mga pamahiing ito, may ilan din namang kapani-paniwala at may lohikal at siyentipikong kapaliwanagan. Isa ditto ay ang pamahiin tunngkol sa pagwawalis tuwing gabi. Isang gawaing napakasama para sa sinaunang matatanda. Maari mawalis o maitaboy ang suerte palabas ng tahanan. Kung paka-iisipin, maaring totoo nga ito. Isipin na lamang na may isang mahalagang bagay na nahulog sa sahig at mawalis natin ito. Hindi na natin iyon makikita kung sakaling kailanganin na natin nag bagay na iyon.





Isa pang pamahiin ng mga Pilipino sa pagwawalis ay ang direksiyon ng pagtataboy ng kalat kung nagwawalis sa loob ng bahay. Sa tuwing nagwawalis, huwag itataboy ang kalat papunta sa labas ng bahay lalong lalo na sa papunta sa direksiyon ng pinto. Naitataboy daw ang suerte o biyaya kapag palabas sa bahay ang direksiyon ng pagwawalis. Dapat ang pagwawalis ay magmumula sa pinto papunta sa gitna ng sala o kwarto. Sa ganong direksiyon  ang suerte at maiipon sa gitna at magiging makapakipakinabang para sa tao at sa tahanan.

Bakit may mga Pamahiin


   Kung ang  ating mga ninuno man ay gumawa at nagpasimuno ng mga pamahiing iyan, marahil ay may malalim silang layunin o kaya`y kinatha nila ang mga ito upang gabayan tayo at ang mga susunod pang henerasyon. Kapani-paniwala man o hindi ang isang pamahiin ang mga ito ay naging isang tatak na ng pagkakakilanlan ng kulturang Pilipino.

Sunday, October 13, 2013

Mga Lutuing Pinoy

Mga Lutuing Pinoy
Filipino Foods


 Pagdating  sa pagluluto, hindi pahuhuli ang mga pinoy. Sa katunayan libo-libong pinoy ang nagsisilbi bilang kusinero sa ibat-ibang panig ng daigdig. May ilan pa nga na gumawa ng pangalan at umani ng parangal dahil sa taglay na husay sa pagluluto.

 
Bakit mahilig magluto ang mga Pilipino?


Likas sa atin ang hilig pagkain kaya naman halos lahat ng Pilipino ay may kakayahang magluluto. Ang mga lutuing pinoy ay nagpapakita ng makulay na kultura ng ating bansa. Sumasalamin din ito sa ating kasaysayan sapagkat may mga lutuing natutunan natin mula sa mga dayuhang mananakop at mangangalakal.


Dried Dilis

Bakit iba`t iba ang mga lutuin sa bawat rehiyon ng Pilipinas?


Mga pagkain sa iba`t ibang rehiyon ng Pilipinas


     Bawat lalawigan o bayan ay may espesyalidad at ito ay naayon sa heograpiya, sa klima o di kaya nama`y sa mga uri ng hanapbuhay. Halimbawa ang mga bayang nasa baybaying dagat ay may mga espesyal na lutuing lamang dagat, samantalang mga gulay at karne naman ang inihahanda ng mga magsasaka. May ilan din naming mahilig maghanda ng lutuing ma-anghang dahil sa lamig sa kanilang lugar. May mga lugar ding katulad ng lalawigan ng Quezon kung saan niyog ang pangunahin produktong agricultural, kaya naman ang bawat pagkaing inihahanda duon ay palagi na yatang may gata.

Anu-anong pagkain ang tunay na tatak pinoy?



Chicken Adobo
CHICKEN ADOBO

    Kung ang pag-uusapan ay ang pagakaing orihinal na talagang tatak pinoy, wala nang hihigit pa sa adobo at tinola. Ang tinola ang madalas ihain ng mga pinoy sa tuwing may mga panauhing dunadating sa kanilang mga tahanan sapagkat mabilis at madali itong lutuin. Isasangkutsa lang ang manok sa kaunting mantika, bawang sibuyas, paminta at luya pagkatapos ay sasabawan at lalagyan ng upo o di kaya ay papaya, pakukuluan ng limang minuto at may tinola ka na. Yan ang dahilan kung bakit madalas mabanggit ang tinola sa mga aklat na sinulat ng mga dayuhang manlalakbay. Nabanggit din ito sa aklat na Noli Me Tangere at inilarawan bilang pagkain ng mga Indio, manok na ginisa sa luya at nilahukan  ng upo. Ang paghahain ng tinola sa mga bisita ay isang kaugalian ng mga Pilipinona nagpapakita ng magiliw na pagtanggap sa mga panauhin.

Anu-ano ang mga panghimagas ng Pilipino?


     Hindi rin mawawala ang mga matatamis na panghimagas. Kilalang-kilala ang mga Pinoy pagdating sa mga minatamis katulad ng pakumbo, bukayo, panutsa, makapuno, at sampalok. Mga orihinal na panghimagas na talaga namang napakasarap at angkop na angkop sa ano mang okasyon.

     Hindi talaga mahihigitan ang sarap ng mga lutuing pinoy. Masasabi din nating world class ang dating na talagang babalik-balikan ang sarap. At saan man man tayo makarating maipagmamalaki ang mga lutuing Pinoy na isa sa mga makukulay na tatak nag Kultura ng Pilipinas.

- Lawrence Avillano


SHARIFF KABUNGSUAN FESTIVAL


15-19 of December
Cotabato City
Shariff Kabungsuan Festival is held in Cotabato City every 15-19 of December to celebrate the arrival of Shariff Kabungsuan in Mindanao via the Rio Grande, and the introduction of Islam to the native people. It is a very significant event in Cotabato city. As an Islam festival, it become a display of Muslim culture.

There are lots of events during the celebration of the festival. It includes the Alimango festival, cultural presentations, acrobatic shows, culinary competitions featuring traditional dishes, battle of the bands, and exhibits featuring native products.

The high-lights of the  festival Is ”Guinakit” the parade of artistically decorated bancas along the Rio Grande river and the “Pagana Maguindanao”  a traditional way of dining among the Maguindanaons and Maranaos.

http://kulturang-noypi.blogspot.com 13/10/13 By: avel


Impluwensya ng Kristiyanismo sa Kulturang Pilipino


Anu-ano Ang Mga Impluwensiya ng Kristiyanismo sa Kulturang Pilipino?

        Malaki ang impluwensya ng Kristiyanismo lalung-lalo na ang simbahang Katoliko Romano sa kasulukuyang kultura ng Pilipinas. Makikita ito sa ating mga pang araw-araw na kilos at gawi. Maging ang ating mga paniniwala ay lubos na naapektuhan ng simbahan.

Banda Musico

Pagdiriwang ng Pista (Patronal Town or Barangay Fiesta)


       Ang pagdaraos ng mga kapistahan ay isang tradisyon na may malalim na impluwensyang kristiyano. Nang dumating ang mga kastila dala ang relihiyong kristiyano, malugod natin itong tinanggap. Kaalinsabay ng paglaganap ng kristiyanismo ay ang pagtatalaga ng isang santong patron para sa isang bayan o pamayanan. Para sa mga patron ay nagtalaga tayo ng isang araw ng pasasalamat at ito ay kilala bilang araw ng pista.

       Isa sa pinaka kilalang kapistahan ay ang  kapistahan ng San. Isidro Labrador ang Patron ng mga magsasaka. Ang kapistahan ay karaniwang nagaganap sa mga araw ng mayo sa ibat-ibang bayan sa mga lalawigan ng Pilipinas.

      Maibibilang sa mga tanyag na kapistahan ang Aranya`t Baluarte Festival sa Gumaca Quezon, dinarayo ito ng mga turista mula sa ibat-ibang panig ng Pilipinas at ibang bansa. Ang pinaka tampok sa pagdiriwang na ito ay ang mga magaganda at makukulay na baluarteng may ibat-ibang disenyo ng pagkaka-palamuti. Sa mga baluarteng ito isinasabit ang mga gulay, prutas, mga kakanin at maging mga alagang hayop at isda. Ang bawat laman ng mga baluarte o arko ay ibinabagsak matapos dumaan sa ilalim nito ang dibuho ng banal na Patron San Diego De Alcala. Ang kapistahan ay may diwa ng pasasalamat para sa masaganang ani.

          Ipinagdidiwang din natin ang ilang mga kapistahang may kaugnayan sa mga pangyayari sa Bibiliya. Isang halimbawa nito ay ang Moriones festival ng Marinduque kung saan, inaalala ang paghagad sa kristo. Isinasagawa ito ng mga Morion na may mga makukulay na mascara at kasuotan.

Ang Flores de Mayo

   Ang Flores De Mayo ay isang pistang alay sa Birheng Mariya na ginaganap mga araw sa buwan ng Mayo. Sa buong panahon ng Mayo isinasagawa ang mga debosyonal sa Kabana-banalang Birheng Maria gaya ng pag-usal ng Santo Rosario o Novena at iba pang pananalangin. Nagkakaroon din ng parada ng mga Reyna sa isang pag-ganap na tinatawag na Santacruzan.

Pasyon ni Hesus


Pagdaraos ng Semana Santa

        Kung meron mang mas mahalagang pagdidriwang na mai-uugnay sa Kristiyanismo, ito ay ang pagadaraos ng Mahal na Araw o Semana Santa. Isang panahon partikular sa mga araw ng Abril. Sa mga araw na yaon inaalala ang naging paghihirap ng Banal na Kristo sa Krus. Sa makatuwid ito ay ang pagbabalik tanaw sa ginawang pagtubos ni Kristo Hesus sa kasalanan ng sanlibutan. Sa panahon ng Semana Santa isinasagawa ang "Pabasa" o ang pagbasa sa Pasyon ng Mahal Na Hesus. Marami rin sa mga Pilipino ang nagpepenitensiya bilang abolusyon at pagsisisi sa mga nagawang kasalanan.


        Lubos na kasiya siya ang mga araw ng pagdiriwang ng kapistahan. Maging ito man ay pasasalamat o pag-alala ng kabayanihan ng isang Patron. Ito ay nagpapakita kung paano natin lubos na tinanggap at niyakap sa ating mga sarili ang relihiyong dinala ng mga mananakop na Kastila, ang Kristiyanismo.

Lawrence Avillano, L.P.T.

Ang Tradisyunal Na Kasalang Pilipino (The Traditional Filipino Wedding)

              Ang Tradisyonal na Kasalang Pinoy

                                                
     

Paano Isinasagawa ang Tradisyonal na Kasal?


 Ang tradisyunal na kasalang Pilipno ay nagsisimula sa pamamanhikan, kung saan maghaharap sa isang piging o munting salu-salo ang pamilya ng lalaki at babaeng nagnanais na makasal. Sa pagkakataong iyon pinag-uusapan at pinagkakasunduan ang mga detalye ng magaganap na kasalan. Mahusay na pinagpaplanuhan ng magkabilang panig kung kailan at saan gaganapin ang kasalan  at ang mga hangganan ng mga gastusin ng bawat pamilya.

    Sa panahon din ng pamamanhikan ang pagbibigay ng lalaki ng dote o bigay kaya para sa pamilya ng babae. Ang dote ay maaring lupa, kalabaw, kabayo, mahahalagang bagay o di kaya` naman ay salapi.

    Matapos ang pamamanhikan, maiiwan ang lalaki sa bahay ng babae upang magsilbi. Tinatawag itong panghihinuyo.

     Gagawin ng lalaki ang mga gawaing maaring makatulong sa pamilya ng ginigiliw. Magsisibak ng kahoy, sasalok ng tubig, tutulong sa mga gawain sa bukid, mangingisda o di kaya naman ay mangangaso. Bagaman nasa tahanan ng babae ang lalaki, hindi sila maaring matulog ng magkasiping. Mananatili duon ang lalaki hanggang sa huling isang linggo bago ang kasalan.

Bispiras Ng Kasalan


      Ang bispiras ng kasalan ay ang huling araw at gabi bago ang kaganapan. Ito ang pinaka-abalang araw sapagakat sa araw na iyon inihahanda ang mga pagkain at kagamitan para sa kasal. Nagtutulungan ang dalawang panig sa lahat ng mga gawain.

       Masaya rin ang araw na ito sapagkat habang ginagawa ang mga paghahanda ay nagiinuman, nagsasayawan, at nagkakaroon ng mga katuwaan ang pamilya ng lalaki at babae kasama ng mga nagsisitulong sa pagahahanda.

Ang Araw ng Kasal



    Anu-anong Seremonya ang Ginagawa sa Araw ng Kasal?


 Ang mismong araw ng kasal ay puno ng imosyon. Madarama ng bawat-isa ang pinaghalong lungkot at saya, sapagka`t hindi maiiwasan ng mga magulang na isipin ang nalalapit na pagkawalay ng mga anak upang harapin ang masalimuot at walang kasiguruhang buhay may asawa. Masaya din sila sapagkat  nangangahulugan iyon na napalaki nila ng maayos at mabuti ang kanilang mga anak at ngayon nga ay may kakayahan na silang magtayo ng sariling pamilya.

      
Nahahati sa limang parte ang kasalan. Ito ay ang:

1. Paghahatid sa altar

2. Pagtanggap

3. Pagsusumpaan
4. Pagsalubong

5. Pagbubunyi


                                                                 Ang  Paghahatid sa Altar


       Inihahatid ang babae ng kanyang ama patungo sa harap ng altar kung saan naghihintay ang lalaki. Ito ay isisinasagawa sa saliw ng tradisyunal na himig pangkasal. Nagmamartsa ang ama ta babae kasunod ng mga abay o mga pares ng binata at dalaga.

                                                                      Ang Pagtanggap

Pagtanggap sa Altar

                                                  
       Pagdating ng babae sa harap ng altar ay magalang na kukuhanin ng lalaki ang kamay ng babae mula sa kamay ng ama nito. Ito ng tagpo ng pagtanggap. Isa ito sa pinaka madamdaminng tagpo sa kasalan. Ipinapangako ng lalaki sa ama ng babae na  igagalang, mamahalin at aalagaan nito ang kanyang anak.


                                                Pagsusumpaan (Exchange of Vows)

Pagsusumpaan


       Matapos ang pagtanggap ay luluhod ng babae at lalaki sa harap ng altar, kasama ng mga saksi, kung saan naroroon ang pari na siyang magsasagawa ng seremonya ng kasal. Nagkakaroon ng panalangin at pagbabasbas at pagkatapos ay ipinapahayag ng magkasintahan na tinatanggap nila ang isat-isa bilang asawa. Matapos ang sumpaan ay isinusuot ng nila ang singsing na sumisimbulo na sila ay ganap nang mag-asawa. Iniuutos ng pari na maaari nang hagkan ng lalaki ang kanyang asawa. Ito ang simbolo na nagmamarka ng pagtatapos ng seremonya.


Pagsalubong

Pagsalubong

       Matapos ang seremonya masayang sinasalubong ng mga kaanak, kaibigan at mga nagsidalo ang bagong mag-asawa. Hinahagisan sila ng barya, bigas at mga talutot ng bulaklak. Inihahagis ng babae ang pumpon ng bulaklak na pinag-aagawan ng mga kadalagahan. Pinaniniwalaang ang makasasambot nito ay ang susunod na ikakasal. Samantala ihahagis naman na lalaki ang gater sasaluhin ng mga lalaki isusuot ito ng mapalad na lalaking makasasalo sa babaeng nakasalo ng pumpon ng bulaklak


Pagbubunyi


       Pagadating sa tahanan masayang ipinagbubunyi ang bagong kasal. Tumatanggap sila ng samut-saring regalo. Isa sa pinaka-aabangan ay ang pagsasayaw ng lalaki at babae kung saan sinasabitan sila ng pera habang sumasayaw.. naglilibot din sila tangan ang bote ng alak. Pinaiinon nila ng alak ang mga panauhin na nagaabot naman ng pera sa abot ng kanilang makakaya. Matapos aang pagbubnyi ay iiwan na ng bagong kasal ang nagkakasiyahang mga panauhin upang magtuloy sa kanilang Pulot Gata o ang kanilang unang gabi biilang mag-asawa.



-Lawrence Avillano, LPT


Suggested Citation:

Avillano, L. (2013). Tradisyunal na Kasalang Pilipino
Kulturang Pinoy. https://kulturang-noypi.blogspot.com/2013/10/ang-tradisyunal-na-kasalang-pilipino_9302.html